Tagilid Sa La Salle

Alin mang koponan ang matalo mamaya sa sagupaan ng Ateneo Blue Eagles at Far Eastern University Tamaraws sa pagtatapos ng double round elims ng 67th UAAP men’s basketball tournament ay tiyak na malalagay sa alanganin.

Bakit?

Kasi’y mainit na mainit ang La Salle Green Archers na nag-aabang na lamang matapos na magwakas nang may 10-4 record sa elims. Dinurog ng Green Archers ang UE Warriors, 81-61 noong Huwebes kahit na hindi naglaro ang pambato nilang si Joseph Yeo na nasuspindi bunga ng dalawang unsportsmanlike fouls na naisampal sa kanya.

Tinapos ng La Salle ang first round nang may 4-3 record matapos nakalasap ng 82-79 pagkatalo sa UE noong Agosto 7. Sinimulan ng La Salle ang second round sa pamamagitan ng 70-52 pagkatalo naman buhat sa FEU para bumagsak sa 4-4.

Sa puntong iyon, marami ang nag-akala na matitigok na ang La Salle at baka hindi makaabot man lamang sa Final Four. Kasi nga’y parang nangangapa ang tropa ni coach Franz Pumaren. Katunayan, marami pa ngang sitsit na lumabas hinggil sa estado ni Pumaren bilang coach ng La Salle. Humahanap na raw ng kapalit ang Green Archers.

Hindi naman nabahala si Franz. Kasi nga’y malayo pa ang labanan. Aniya, ganoon din naman ang nangyari sa Ateneo noong 2002 kung saan nagkaroon ng 4-5 record ang Blue Eagles pero nagtapos nang may 9-5 karta at nagawa pang magkampeon.

Kung nangyari iyon sa Ateneo, puwedeng mangyari rin iyon sa La Salle. Puwes, tila nagdilang anghel si Franz. Anim na sunud-sunod na panalo ang naitala ng Green Archers para sa 10-4 record. Mas maganda ito kumpara sa 9-5 ng Ateneo noong 2002.

Tinalo nila ang NU (80-51), Ateneo (72-61), UST (86-77), Adamson (79-67), UP (70-52) at UE (81-61). Bale may average winning margin ang La Salle na 15.17 puntos sa kanilang huling anim na laro. Devastating, ‘di po ba?

At ang siste’y nakapuwersa pa sila ng playoff para sa ikalawang puwesto at twice-to-beat advantage sa Final Four. Magandang puwesto na iyan kung sakali! Sa playoff ay magbabalik sa poder ng La Salle si Yeo at madadagdagan ang kanilang firepower. Kung noong hindi naglaro si Yeo ay nagawa nilang tambakan ang Warriors, ngayon pang nandiyan na ang ninja!

Kaya naman inaasahang pukpukan nang todo ang magiging labanan ng Ateneo at FEU ngayong hapon. Nais nilang maka-iwas sa playoff kontra sa La Salle na nagbabagang tunay.

Pero okay na rin yun. Kasi nga, ang playoff sa Martes ay magsisilbing best-of-three na rin. Kasi, kung alinmang koponan ang makaharap ng La Salle sa Martes, iyon na rin ang makakatapat nila sa Final Four.
* * *
Belated birthday greetings kay Maytunas barangay chair-man Noel Rozon na nagdiwang noong Lunes. Ganoon din kay Candy Salac ng McDonald’s na nagdiwang naman kahapon at kay Paqs Repelente noong Setyembre 4. (pasingit from Dina Villena--Happy birthday kay Pareng Guding Salazar ng Pila, Laguna ngayong araw na ito.)

Show comments