Ngunit isa lamang sa kanila ang uusad sa susunod na round at ang natitirang slot ang kanilang paglalabanan sa kanilang do-or-die playoffs ngayong hapon sa Araneta Coliseum.
Hindi lang dahil sa krusyal ang laban ngayon ng SBC Red Lions at MIT Cardinals sa alas-4:00 ng hapon kaya sa Araneta ginanap ang laro kundi dahil gaganapin din ngayon ang Cheering Competition na sisimulan sa alas-2:00 ng hapon.
Siguradong magiging mainit at matensiyon ang labanan ng San Beda at Mapua ngunit hindi pa dito matatapos ang kalbaryo ng winning team na ookupa ng ikaapat at huling slot sa crossover semifinals kung saan ang pairing ay No. 1 versus No. 4 at No. 2 kontra No. 3, dahil mas mabigat na laban ang kanilang haharapin sa susunod na round.
Naghihintay na sa kanila ang No. 1 team na host University of Perpetual Help Dalta System na may twice-to-beat advantage tulad ng Philippine Christian University bilang top two teams dahil sa kanilang 10-4 record.
Bagamat pareho lang ang tinapos ng UPHDS Altas at PCU Dolphins sa double round eliminations, mas mataas ang quotient ng Perpetual kaya No. 2 ang Philippine Christian at ang defending champion Colegio de San Juan de Letran (9-5) ang kanilang makakalaban sa semis.
Tumapos ang MIT Cardinals at ang SBC Red Lions na may 7-7 record katabla ang San Sebastian College-Recoletos. Ngunit dahil sa pinaka-mababang quotient ng SSC-R Stags, sila ang nasibak sa semis at ang Mapua at San Beda ang pinagharap sa playoff para sa huling semis berth.
Sa dalawang paghaharap ng Cardinals at Red Lions, parehong gitgitan ang labanan. Nanalo ang Mapua sa first round, 68-65 ngunit nakaba-wi naman ang San Beda sa ikalawang round, 79-73.