Scottish naman ang napipisil na makakalaban ni Pacquiao

Isang Scottish naman sa katauhan ni Scott Harrison ang napipisil ni boxing man Rodolfo Nazario na makaharap ni Manny Pacquiao bago matapos ang taon.

"Kung ako lang ang tatanungin ay si Harrison ang tipo kong makalaban ni Manny," wika ni Nazario noong Linggo ng hapon habang dinadaos na naman ang isang fans day ni Pacquiao sa Wild Card Boxing Club sa Sucat, Parañaque.

"Attractive kasi si Scott Harrison gawa ng meron siyang hawak na titulo at iba siyempreng putahe ang European fighter. Ang iba kasing champions ng featherweight division tulad nina Injin Chi ng Korea at Chris John ng Indonesia ay hindi kilala kung kaya’t si Harrison ang pinakamagandang makaharap," dagdag pa ni Nazario.

Si Chi ang kampeon ng World Boxing Council samantalang si John naman ay kampeon sa World Boxing Association. Si Harrison naman ay kampeon ng World Boxing Organization. Bagamat hindi kaparehas nina Marco Antonio Barrera at Juan Manuel Marquez sa kasikatan si Harrison, ang kanyang pagiging European ay isang dahilan kung bakit maganda siyang ipares kay Pacquiao.

Ang pinakamatinding tinalo ni Harrison ay si Manuel Medina, ang Mexicanong nakaharap ni Luisito Espinosa noong 1995 at 1997.

Tutulak patungong Los Angeles sina Nazario at Pacquiao bukas ng gabi lulan ng Philippine Airlines. Makakasama rin nila sina Minita Chico-Nazario, ang Supreme Court Justice na asawa ni Nazario at maging sina Bobby Pacquiao, Z Gorres at trainer Buboy Fernandez.

Sina Bobby, kampeon ng Philippine super-featherweight at si Gorres, dating Philippine fly title-holder ay planong ilaban doon ni Nazario matapos ang mga ito ay magsanay sa Wild Card Gym ni Freddie Roach sa Hollywood, California.

Inaasahan na magkakaroon agad ng linaw kung kailan, saan at sino ang makakalaban ni Pacquiao oras na matapos ang meeting ni Nazario kay promoter Murad Muhammad at HBO boxing executives sa New York.

Show comments