Bustamante, Diaz rumagasa sa Davao elims

Dinomina nina Rodel Bustamante ng Tagum City at local bet Estella Mamac-Diaz ang 21 kilometer elimination race ng 28th National Milo Marathon sa PTA grounds sa Davao City.

Sa pagkawala ng dekalibreng runners ng Davao, pinagharian ni Bustamante ang men’s division para sa kanyang kauna-unahang MILO Marathon regional crown. Si Bustamante, na panglima noong naka-raang taon ay naorasan ng isang oras, 10 minuto at 59 segundo.

Ang top three finishers noong nakaraang taon ay hindi tumakbo dito na nagbigay daan sa mga mas batang road warrior na hawakan ang karera na ginaganap sa pakikipagtambalan ng Cebu Pacific, Globe Handyphone, Bayview Park Hotel, Adidas at Department of Tourism.

Makakasama ni Bustamante sa 42K National finals sina Reynante Villarama (1:12:32) na pumangalawa at ang ikatlo na si Raul Lamprea (1:13:53).

Sa kabilang dako, nagreyna naman sa kababaihan ang beteranong runner na si Diaz na naungusan ang dating leg winner na si Jhoan Banayag.

Si Diaz ay dumating sa bilis na isang oras, 23 minuto at 29 segundo kasunod lamang makalipas ang 47 segundo ang pumangalawang si Banayag at ikatlo naman ang 18 anyos na si Cherrylyn Javellana kung saan makakasama sila sa National Finals

Show comments