RP-Taiwan 9-Ball Challenge: Lining talo kay Fong

Patuloy ang pananalasa ni Taiwanese Fong Pang Chao sa mga Pinoy nang igupo naman nito si Antonio Lining, 9-2 sa RP-Taiwan 9-Ball Challenge sa Octagon Hall ng Ro-binson’s Galleria.

Simpleng dinomina ni Fong, World Pool champion noong 1993 at 2000 si Lining na halos isang oras lamang tinapos ang laban sa harap ng dismayadong Pinoy na manonood na dumayo sa lugar bagamat bumabaha sa Metro Manila.

Noong isang araw tinalo naman ni Fong si Marlon Manalo, 9-7, na siyang tanging panalo ng Taiwanese nang araw na iyon makaraang magwagi sa opening sina Lining, Antonio Gabica, Gandy Valle at Dennis Orcullo.

Tinalo ni Lining si two-time Asian Games gold medalist Ching Shun Yang, 9-7; ginapi ni Gabica si Po Cheng Kuo, 9-1; pinayuko ni Valle si Chei Wei Fu, 9-5 at sinargo ni Orcullo si Pei Wei Chang, 9-3.

Ang panalo ni Fong ay naglapit sa Chinese-Taipei sa 8-10 na may apat pang naglalaro habang sinusulat ang balitang ito. Kasalukuyang nakikipagpalitan ng tako si Orcullo kay Che, Gabica kontra kay Pei, Valle laban kay Po at Manalo vs Ching.

Matapos ang mahirap na unang araw na panalo, naging magaan ang tagumpay para kay Fong kahapon nang samantalahin niya ang magandang break at mahusay na pagsargo upang iwanan sa makipot na daan si Lining.

Ang tatlong araw na torneong ito ay itinataguyod ng The Philippine STAR, Motolite, PCSO, Elasto Seal, No Fear, Emperador Brandy, Air21, FedEx, Fortune Tobacco at Tanduay ay magbibigay ng $40,000 sa winning team at $20,000 sa talunan.

Show comments