BATAYAN SA OLYMPICS

Simula pa lamang, nagbagsakan na ang mga manlalarong Pinoy sa Athens Olympics. Malaking katanungan ngayon ay kung ano ba talaga ang batayan natin sa pagpapadala ng atleta sa mga international competition.

Una, mamili tayo ng matipid na sport. Isipin na lang natin, mas mura pa ang magpadala ng isang kumpletong koponan sa boksing (12 boksingero), na lahat pwedeng magwagi ng medalya, kung ihahambing sa isang basketball team. Isang medalya lamang ang basketbol, at di hamak na mas malalakas kumain ang mga basketbolista.

Pangalawa, mamili tayo ng sport kung saan maaaring ma-kakuha ng mahigit isang medalya ang bawat atleta. Swimming at athletics ang nangunguna rito.

Pangatlo, sukatin natin ang mga personal records ng mga Pambansang atleta natin. Maaabot ba nila ang mga Olympic at world record ng mga makakalaban nila? O sasabak lang ba para sa karanasan? Sa kaso ni Jet Dionisio, halimbawa, ngayon lang siya lumaban sa trap shooting at alam natin ang kakayahan niya.

Pang-apat, ilang beses ba silang bumiyahe sa international competition? Dito lamang ng malaki ang mga boksingero’t taekwondo jin. Ito ang pinakamalaking paraan para gumanda ang kanilang laro. Kung di nila makakaharap ang pinakama-gagaling sa mundo sa kanilang larangan, mauunahan sila ng kaba, at malilito sila sa labanan.

Panlima, nasa sport ba sila na dominado ng judges? Kung ganoon, ibayong pagsisikap ang kailangan, di lamang ng mga atleta, kundi pati ng mga opisyal. Kung mahina sila o di kaya’y hindi kilala ng mga judges, dehado na tayo.

Iyan ang ilang dapat natin pag-aralan para sa susunod na Southeast Asian Games. Sana naman may makinig.

Show comments