Mataas pa rin ang lipad ng Eagles

Sa pagkawala ni Larry Fonacier, hindi lamang si L.A. Tenorio ang puwedeng asahan ng Ateneo de Manila University, maaari din nilang sandalan si JC Intal na siyang bumandera sa kanilang 67-56 tagumpay matapos lusutan ang mahigpit na hamon ng National University upang manatiling walang dungis ang kanilang katayuan sa kasalukuyang eliminations ng UAAP men’s basketball tournament na ginanap sa PhilSports Arena kahapon.

Tumapos si Intal ng 20-puntos at 14-rebounds upang pamunuan ang ADMU Blue Eagles sa ikapitong sunod na panalo sa gayon ding dami ng laro, ngunit ang naging susi ng kanilang tagumpay ay ang kani-lang mahusay na free throw shooting sa huling maiinit na segundo ng labanan.

Kumamada ang Ateneo ng 5-of-6 free throw sa huling 47 segundo ng labanan na siyang dumiskaril sa tangkang paninilat ng NU Bulldogs na luma-sap ng kanilang ikaanim na sunod na kabiguan.

Nahaharap sa malaking panganib ang Ateneo nang makalapit ang Nationals sa 56-60 mula sa basket ni Cesar Estolano dahil sa goal tending violation ng Eagles.

Sa ikalawang seniors game, nanatiling matatag ang defending champion Far Eastern University nang kanilang pabagsakin ang University of the Philippines, 63-56 para iposte ang ikalimang panalo kontra sa isang kabiguan.

Sa juniors division, nanalo din ang ADMU Blue Eaglets laban sa AdU Baby Falcons, 74-53 gayundin ang University of Santo Tomas laban sa NU Bullups, 73-64. (Ulat ni Carmela Ochoa)

Show comments