All-Stars sa Baguio o Pampanga ?

‘Yan ang pinag-aaralan ngayon ng Philippine Basketball Association para sa susunod na taon.

Matapos ibigay ang hosting ng All-Star Week sa Cebu City na magsisi-mula sa Agosto 9-15, plano ni PBA commissioner Noli Eala na gawin ang All-Star sa Norte sa susunod na taon.

"I hope it could be an annual thing," wika ni Eala.

Unang kinukunsidera ni Eala ang Baguio City hindi lamang dahil sa magandang klima nito kundi dahil marami na ring maaabot na fans sa iba’t ibang rehiyon sa Norte.

Pinag-aaralan din ni Eala ang Pampanga na maging host sa susunod na taon dahil malaki rin ang PBA following dito.

" Of course, the main objective is to bring the PBA closer to the fans," ani Eala. " We owe this to them."

Sa taong ito, ang mga Cebuanos ang pasasayahin ng PBA sa iba’t ibang aktibidad ng PBA sa loob ng isang linggo na tatampukan ng North versus South match sa Agosto 15 sa Cebu City Coliseum.

Bibisita din ang PBA sa ilang orphanage para sa kanilang outreach program at ilang eskuwelahan.

Magkakaroon din ng skills competition, slam dunk, three-point, obs-tacle at trick shot contest kung saan ang eliminations ay gaganapin sa Agosto 13 at ang finals ay bago ang aktuwal na All-Star game.

Ang North squad na imamando ni Red Bull coach Yeng Guiao ay pangungunahan nina Vergel Meneses, Romel Adducul, Olsen Racela, Paul Artadi at Rich Alvarez, habang ang South naman na igigiya ni Joel Banal ng Talk N Text ay pamumunuan nina Eric Menk, Asi Taulava, Jimmy Alapag, James Yap at Kenneth Duremdes. (Ulat ni CVOchoa)

Show comments