BAGONG BABALA

SUWANEE, Georgia-- Namangha ang inyong lingkod sa pagsubaybay sa Adidas Superstar Camp sa Suwanee Sports Academy dito. Una, sa dami ng mahuhusay na basketbolistang high school pa lamang. Pangalawa, sa laki ng potensyal nilang gumaling pa.

Sa 263 batang lahok, tatlo ang galing China, isa ay mula sa Brazil, at isa sa France. Sa loob ng apat na araw, di lamang mga drills at exercises at paglalaro ang kanilang inatupag, kundi pati mga aral sa mga nagbahagi ng kanilang karanasan sa buhay sa loob at labas ng basketbol.

Ang unang nagsalita ay si George Karl, na 15 taong naging coach sa NBA, at ngayo’y announcer sa ABC Sports. Sinabi ni Karl na mas mainam paghandaan ang buhay sa labas ng paglalaro, sa dalawang dahilan.

Una, sa lahat ng nais maglaro sa NBA, 30 lamang ang makakapasok bawat taon.

Pangalawa, makapasok ka man, hindi ito nangangahulugang magtatagal ka. Apat na taon lang ang itinatagal ng karaniwang NBA player.

Sinegundahan ito ni Jay Williams, na malatrahedya ang kuwento. Matapos piliing pangalawa kay Yao Ming sa NBA Draft, natupad ang pangarap niyang maglaro para sa Chicago Bulls.

Subalit lumabag siya sa nilalaman ng kontrata niya, nang sumakay siya sa motorsiklo at naaksidente. Buy-out ang naging bunga, at hindi na pinalaro.

Babala sa lahat ng nangangarap, madaling mawala ang lahat kung hindi mag-iingat.

Nagpamulat din ng mga mata si Kevin Bradbury, presidente ng Bradbury Sports, nang ipaliwanag niya ang halaga ng marketing sa pagbigay ng magandang imahe ng sarili sa mundo ng sports.

Maraming atletang hawak si Bradbury, at sinabi niyang importanteng magpakatotoo ang isang tao, at tumulong sa kapwa.

Bilang pangwakas, nagpayo sa investment si Steve Piasick, isa sa iilang sports investment adviser sa Amerika. Malinaw ang mensahe niyang maghanda para sa kinabukasang di malinaw, dahil hindi habangbuhay na malusog at malakas ang sinuman.

Show comments