Umusad din si Lee Van Corteza nang umiskor ito ng 5-1 tagumpay laban kina Darryl Peach ng England at Gustavo Espinoza ng Argentina upang manguna naman sa Group 4 na may 10 puntos at hindi rin nagpahuli ang dating World Pool champion na si Efren Bata Reyes na mahusay na naglaro laban kay Tony Drago ng Malta, 5-1 para rin sa kanyang 10 puntos.
Nakabangon naman si Rodolfo Luat mula sa back-to-back na kabiguan nang bokyain nito si Kamarudin Yudharman, 5-1 at umusad din sa Last 64 na may 8 puntos.
Naisiguro niya ang kanyang pagpasok sa head-to-head duel phase noong Lunes ng gabi sa pamamagitan ng anim na sunod na panalo, nabigo naman si Warren Kiamco na makumpleto ang mailap na sweep sa elims nang yumuko ito sa dating kampeon na si Chao Fong pang ng Taiwan, 5-3 sa duwelo ng mga walang talong players.
Si Francisco Django Bustamante ang kauna-unahang Pinoy na naka-pasok sa tournament proper ng top level event nang mapagwagian nito ang lahat ng kanyang unang limang laban bago yumuko sa kababayang si Antonio Gabica, 2-5 na nagbigay pag-asa na makausad.
Kabilang din sa umaasam ng puwesto sa Last 64 sina Marlon Manalo at Antonio Lining na kapwa may 6 puntos sa magkatulad na 3-2 panalo-talo record habang nakaipon din ng 6 puntos si Gandy Valle bagamat ginapi ito ni Neils Feijin, 1-5.
Hindi naman sinikatan ng araw si dating RP No. 1 Jose Amang Parica, na nabigong makatuntong sa kanyang unang pagtatangka sa $350,000 championship nang gapiin siya ni Dutch Nick Van Den Verg, 2-5 sa kanyang final game.
Umagaw ng eksena si Orcullo, ang huling Pinoy qualifiers na solido ang performance sa elims, na tinampukan ng 5-2 panalo laban kay Reyes, na naglagay sa kanya sa top spot ng Group 2 habang si Hasch naman ay umiskor ng 6 puntos at daigin ang tatlo pang iba para sa huling puwesto.
Ang laban ng Top 64 ay isasa-ere ng live sa STAR Sports simula alas-5:30 ng hapon na ang semis ay ipalalabas sa July 17 sa ganap na alas-8:30 nga gabi at ang finals ay sa July 18 sa alas-9 ng gabi.