Matapos ang unang buong linggo ng kompetisyon, ang Red Lions at Cardinals na lamang ang natitirang walang bahid sa walong koponang kalahok, at ang tagumpay nila sa labang ito ay hindi lang maglalayo sa kanila sa oposisyon kundi magpapatatag din sa kampanya nila para sa titulo ng pinakamatandang liga sa bansa.
Ang San Beda ay haharap sa Philippine Christian Univer-sity sa ala-una ng hapong sultada habang kakatagpuin naman ng Mapua ang Jose Rizal University sa dakong alas-4.
Sa Juniors, itataya din ng defending champion San Beda Red Cubs ang malinis nilang 2-0 marka sa pagsagupa nila laban sa PCU Baby Dolphins sa ika-11 ng umaga habang magtitipan naman ang Mapua Red Robin at JRU Light Bombers sa ganap na alas-2:30 ng hapon.
Ang Red Lions ay sariwa pa mula sa 69-51 demolisyon sa Heavy Bombers noong Miyerkules, tagumpay na dumugtong sa malaking 76-68 pagsilat nila sa San Sebastian College-Recoletos noong opening day.
Samantala, ang Cardinals ay kagagaling lamang sa pagtala ng pinakamalaking pagsilat sa kaagahan ng torneo, ang 86-76 paggupo sa defending titlist Colegio de San Juan de Letran noong Biyernes. Sila ay nagwagi rin sa pambuenamano nilang laro kontra sa Blazers.
Matapos namang pagtagumpayan ang una nilang asignatura, ang Heavy Bombers ay nakatamo ng pagyuko sa Red Lions, at ang makabawi dito ang kanilang pakay sa pagpalaot nilang ito. (Ian Brion)