Pinoy tracksters naka- 4 bronze

Nakuntento sa apat na bronze ang RP Athletics team sa ikatlo at final leg ng 2004 Asian Athletics Grand Prix na ginanap sa Rizal Memorial Track Oval kahapon.

Pinangunahan ng 29-gulang na si Lerma Bulauitan-Gabito ang kam-panya ng mga Pinoy nang kanyang duplikahin ang third place performance sa ikalawang leg ng one-day competition na ito matapos lundagin ang 6.51 metro sa women’s long jump.

Ang panalong ito ni Bulauitan na nagtala ng kanyang personal best na 6.56m sa Columbia, Sri Lanka noong nakaraang Linggo ay katumbas ng $1,000.

Naisubi ni Liang Shuyan ng China ang gold sa kanyang nilundag na 6.71m habang si Juravieva Anastis-ya ng Uzbekistan ang naka-silver sa kanyang 6.55m jump.

Ang iba pang naghatid ng bronze para sa bansa ay sina Librada Tamson na nanalo sa women’s 1,500m run at ang men at women’s 4x100m relay team. Ang mens relay team ay binubuo nina Julius Neira, Jimar Aing, Ronnie Marfil at Ernie Candelario habang ang women’s team ay kinabibilangan nina Sharon Geismundo, Aiann Lunasco, Melody Tarcena at Riezel Buenaventura. (Ulat ni CVO)

Show comments