3rd MY Games: Tondo boy humakot ng 3 ginto

Nagsubi ang batang Tondo na si Kurt Russel Bartolome ng tatlong gintong medalya sa men’s gymnastics Level 1 ngunit napukaw ng F.G. Calderon ang atensiyon nang kanilang ma-sweep ang tatlong events sa girls division sa pangunguna ni Rochelle dela Cruz sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 3rd Manila Youth Games sa Rizal Memorial Gymnastics Center kahapon.

‘No match’ kay Bartolome ang hamon ng District 1 bets nang magaan niyang napanalunan ang floor exercise, Horse vault at individual all around events ngunit sa likod ng kanyang pagsisikap, ang District 1 pa rin ang nanguna sa team competition sa paghakot ng 21.84 puntos upang talunin ang Barangay 781 na may 19.48.

Nagsubi naman ang 12-anyos na si dela Cruz ng dalawang gintong medalya at dalawang silver matapos pangunahan ang floor exercise at ang individual all around at pumangalawa sa balance beam upang talunin ng F.G. Calderon ang District 5 sa team competition.

Si Bartolome ay umiskor ng 5.40 sa floor exercise, 5.43 sa Horse vault at 10.83 sa individual all-around.

Umiskor naman si dela Cruz ng 5.55 sa floor exercise para talunin sina Kia Dianne Serrano (5:05) at Althea Arceo (4:70) na nagkasya sa silver at bronze ayon sa pagkakasunod.

Nagtala naman si dela Cruz ng 12.50 sa individual all around upang daigin si Novelyn Lorenzo (11.45) at Serano (11:30).

Si Lorenzo ang naka-gold sa Balance Beam (4.90) kung saan naka-silver si dela Cruz (4.85) kasunod ang bronze medalists na si Serano (4.50).

Nakalikom ang F.G. Calderon ng kabuuang 35.25 puntos kontra sa 22.00 puntos lamang ng District 5 na nakakuha ng isang ginto mula kay Analyn Aguiluz sa Horse vault (2.45) kung saan pumangalawa rin si dela Cruz katabla si Trishia Ibbarientos ng District 5 sa iskor na 2.10. Ikatlo si Monique Mabalay ng District 1. (2.00). (Ulat ni CVOchoa)

Show comments