Tumapos si Honeycutt ng 30-puntos, humatak ng 20-rebounds at nagbigay ng 11 assists para sa Talk N Text upang kahit papaanoy makalimutan ang pagkatalo sa Barangay Ginebra sa best-of-three semifinal series, 1-2.
Kinokonsidera ni Talk N Text coach Joel Banal na isang magandang pangitain ang ikalawang sunod na third place finish na ito ng Phone Pals para sa pagdedepensa ng kanilang titulo.
"We won the All-Fili-pino Cup and we placed third twice, its a good sign," pahayag ni Banal na nakatutok na ang atensiyon sa kanilang pagdedepensa ng All-Filipino title.
Katulong ni Honeycutt si Asi Taulava na nagsumite ng kabuuang 32-puntos, sa pananalasa sa ikaapat na quarter kung saan may pinagsama ang dalawa na 22-puntos.
Kasalukuyang ginaganap ang Game-One ng inaasahang giyerang best-of-five titular showdown ng Gin Kings at Red Bull Barako habang sinusulat ang balitang ito.
Sinabi rin ni Banal na posibleng magdagdag sila ng player kung wala pa rin sa kondisyon ang nagrerekober pang si Harvey Carey mula sa kanyang injury, bago magbukas ang All-Filipino Conference.
Samantala, kinukuha ng Purefoods ang serbisyo ng kapatid ni Banal na si Koy Banal, ang coach ng Far Eastern University at ng PBL Unity Cup champion Viva-Mineral Water-FEU para maging coach ng TJ Hotdogs sa susunod na season.