NCAA Junior Basketball Tournament: JRU Light Bombers,SBC-Red Cubs nagpauna na

Matagumpay na sinimulan ng San Beda Red Cubs ang kanilang pag-dedepensa ng titulo nang demolisahin nila kahapon ang San Sebastian Stag-lets, 118-74, sa pagbubukas ng hostilidad ng 80th NCAA season juniors basketball tournament sa Rizal Memorial Coliseum.

Nauna rito, buong larong dinomina ng Jose Rizal Lights Bombers ang host Perpetual Altalettes tungo sa pagposte ng 80-75 panalo.

Ang panalo ng Red Cubs at Light Bombers ay dumuplika sa tagumpay ng kanilang mga senior teams laban din sa San Sebastian at UPHDS noong Sabado.

Umiskor si James Martinez ng game-high 23 puntos habang ang kapwa niya RP Youth mainstay na sina JR Taganas at Ogie Menor ay may 21 at 12, ayon sa pagkakasunod, para trangkuhan ang Red Cubs, na umaasinta sa ika-17 titulo nila sa liga.

Matapos makipagtan-tiyahan sa unang bahagi ng laban, in-outscore ng Mendiola-based dribblers ang Staglets sa ikatlong yugto, 35-9, upang palo-bohin ang kanilang bentahe sa 87-52 papasok sa huling 10 minuto at hindi na lumingon pa. (Ulat ni IB)

Show comments