Aksiyon sa NCAA juniors hahataw ngayon

Sisimulan na ng San Beda College Red Cubs ang padedepensa ng kanilang kampeonato at pagsungkit sa ika-17 titulo sa pagdribol ngayon ng 80th NCAA season juniors basketball tournament sa Rizal Memorial Coliseum.

Ang Red Cubs ay papagitna sa ganap na ala-1:30 ng hapon, kung saan sasagupain nila ang San Sebastian Staglets. Bago ito maghaharap muna ang host University of Perpetual Help Dalta System Altalettes kontra Jose Rizal University Light Bombers sa pambuena-manong sultada sa ika-11 ng umaga.

Magtatagpo din ang MIT Red Robins at CSB-La Salle Greenhills Greenies sa dakong alas-tres habang magtatapat ang PCU Baby Dolphins at Colegio de San Juan de Letran Squires sa alas-4:30 ng hapon.

Ang pinakamatandang liga sa bansa ay nagbukas ng kanilang ika-80 edisyon kamakalawa sa Araneta Coliseum sa pamamagitan ng makulay na opening ceremonies at apat na umaatikabong laro sa seniors division, kung saan nagtagumpay ang JRU, San Beda, Mapua, at defending titlist Letran.

Show comments