KUMUSTA NA SI RYAN GREGORIO?

DAHIL sa maagang nagbakasyoon ang Purefoods Tender Juicy Hotdogs ay maraming kumakalat na balita tungkol sa coaching staff nito. Kasi nga’y talagang disappointing ang nangyari sa tropa ni coach Paul Ryan Gregorio na nagposte ng pinakamasamang record sa sampung koponan sa Gran Matador-PBA Fiesta Conference.

Hanggang sa kahuli-hulihang laro nila sa "wild card" phase kontra Coca-Cola Tigers ay sama ng loob pa rin ang nakamtan ng Hotdogs. Biruin mong nakalamang na nga sila ng 11 puntos sa first half subalit nakahabol pa ang Tigers.

Naroong puwede sana nilang maitabla ang score sa mga huling segundo ng laro pero nagkaroon ng dribbling error ang import na si James Head at pagkatapos ay nagsagawa ng baseline drive si Jeffrey Cariaso nang hindi man lang hinarang ni Jun Limpot upang tuluyang magwagi ang Tigers at makausad sa quarterfinals.

Kung nagwagi ang Hotdogs sa larong iyon ay mapupuwersa nila sa sudden-death playoff ang Tigers at baka nag-iba ang complexion ng serye.

Pero tila hindi nga itinadhanang umusad ang Purefoods.

Dahil dito, marami ang naghinalang baka magkaroon ng pagbabago sa coaching staff ng Hotdogs.

Maraming speculations ang pumapailanlang. May nagsasabing baka si Junel Baculi ng Hapee Toothpaste ang humawak sa Purefoods sa susunod na conference. May nagsasabing baka si Louie Alas ng Letran Knights. Pero noong Lunes, sa presscon ng National Collegiate Athletic Association ay tinanong ng mga sportswriters si Alas kung tatanggapin niya ang alok ng isang PBA team sakaling dumating ito. Tahasang sinabi ni Alas na hindi niya iiwan ang Knights!

Ewan lang natin kung tutoo iyon. O kung kailan niya hindi iiwan ang Knights. Puwede naman kasi niyang tapusin ang NCAA basketball tournament bago umakyat ulit sa PBA, e.

Ngayon naman ay may kumakalat na balitang lilipat ang Ginebra assistant coach na si Binky Favis sa Purefoods bilang head coach ng Hotdogs pagkatapos ng Gran Matador-PBA Fiesta Conference at si Gregorio ay pupunta sa kampo ng Gin Kings para maging assistant naman ni Siot Tangquincen.

Sari-sari ang balita, e.

Pero hanggang walang official na announcement ay hindi prente pa rin si Gegorio sa kanyang posisyon. Kasi nga’y hanggang Disyembre pa naman ang kanyang kontrata sa Hotdogs at malamang na i-extend ito hanggang sa katapusan ng season.

Sa ganang akin, maraming pagbabago ang naganap sa line-up ng Purefoods sa taong ito. Anim ang bagong players ng Purefoods at karamihan pa nito’y nagkaroon ng injury. Kaya naman medyo sinamang-palad ang Hotdogs.

Malamang sa pumutok na sila sa susunod na conference. Hindi naman maganda kung papalitan si Gregorio kung kailan pipitasin na niya ang bunga ng mga pagbabagong ito.

Show comments