Nauwi sa wala ang maagang inilatag na 1-0 kalamangan ng South-east Asian Games most bemedalled athlete at GM-candidate Mark Paragua (ELO 2529) sa regulation nang malasap ang 2-0 kabiguan sa rapid play kontra sa Super GM na si Viktor Bologan (ELO 2665) ng Moldova.
May pagkakataon ang 20-anyos na si Paragua na makakuha ng isang upuan sa 2nd round sa pamamagitan ng draw sa back end ng 2-games regulation, ngunit ipinuwersa ni Bologan na makatabla matapos na ang dating Filipino child prodigy ay gumamit ng Queens Indian Defense sa halip na ang kanyang paboritong Kings Indian Defense na naging daan ng kanyang pagre-resign matapos ang 28 sulungan.
"Sa tingin ko ay dapat nag Kings Indian na si Mark, mahirap kasi pag tabla lamang ang gusto mo, ma passive ang position, saka dapat ginamit niya ang oras," pahayag ni engineer Ric Paragua (ama ni Mark) na sinundan ang laban ng kanyang anak sa Internet Chess Club (ICC) kasama ang iba pang masters.
"Saka sa two-games playoffs, dapat nag Sicilian Nadjorf na si Mark," dagdag pa ng matandang Paragua.
Sa first game ng playoff, gumamit ang World No. 36 na si Bologan ng mga itim na piyesa na matagumpay na naka-atake sa inferior Queen side position ni Paragua matapos na ang huli ay magtala ng masa-mang galaw sa opening na naging daan upang matikman ang kanyang ikalawang kabiguan matapos ang 37 moves ng Caro-Kann Defense-Nc3 variation.
At sa second game playoff, hindi naman ginamit ng 1998 World Under-14 champion na si Paragua ang kanyang paboritong Sicilian Defense-Nadjorf variation upang matikman muli ang kanyang ikatlong dikit na pagkatalo sa mga kamay ni Bologan sa 45 sulu-ngan.
Bunga ng panalo, haharapin ng No. 1 player ng Moldova na si Bologan si Alexander Moiseenko ng Ukraine na nanalo kontra naman kay Sergey Dolmatove ng Russia, 1.5-0.5.
Sa kabilang banda, nabigo rin ang Asian 3.2a zonal champion at GM-candidate na si Ronald Dableo (ELO 2426) na masustina ang kanyang mahusay na panimula at natamo ang 0.5-1.5 pagkatalo mula sa mga kamay ng isa ring Super GM na si Liviu-Dieter Nisipeanu (ELO 2692) ng Romania.
"Maganda ang pag exchange ng rook ni Nisipeanu kay Ronald, dahil may past pawn sa Queens Side (A-file) ang top Romanian player," wika naman ni IM Ronald Bancod.
Sasagupain ni Nisipeanu na yumanig din kay Dableo sa 2nd game sa bisa ng 36 moves ng isa pang Caro-Kann game si Sergei Tiviakov ng Netherlands na sumibak kay Gabriel Sargissian ng Armenia.