Dinala ni Tipon, ang tanging Pinoy na hindi kasama sa Athens Olym-pics, ang panalo para sa Nationals nang idispatsa nito si Australian Joel Brunker, 19-8, upang makasama ang mga naunang semifinalists na kababayang sina Violito Payla at Harry Tanamor para ibigay sa bansa ang ikatlong awtomatikong bronze medal.
Ang panalo ni Tipon ay dumating sa panahon nang sina Athens-bound Romeo Brin at Christo-pher Camat ay pinabagsak ng kani-kanilang mga kalaban.
Nilasap ni Brin, na kinakapos sa paghinga dahil sa matinding ubo, ang 10-15 kabiguan kontra kay Martin Halas ng Czech Republic.
Ganito rin ang nang-yari kay Camat na pinayuko ni Hungarian Jozcef Acz, 11-17.
"Sayang. Kahit hindi na halos makahinga si Romeo dahil sa ubo, lumaban pa rin ng husto pero talagang hirap siya," ani coach Boy Velasco. "Si Camat, ganun din. Tumutulo pa nga ang sipon niya pero talagang matapang at hindi basta basta nagpatalo."
"Maganda rin ang ipinakita ni Tipon. Sayang din at hindi siya naka-qualify sa Olympics. Mautak na ang bata at buo ang loob," wika naman ni coach Pat Gaspi.
Ang kambal na kabiguan na ito ng RP-Alaxan FR team ay nag-iwan sa tatlong boksingero sa pinal na yugto ng paghahanda sa Athens Olym-pics na ipinadala mula sa suporta ng Alaxan FR, Philippine Sports Com-mission, Accel, Family Rubbing Alcohol at Pacific Heights, para sa medal bouts.
Ang semis ay gaganapin sa Biyernes (Sabado ng umaga sa Manila) kung saan makakaharap ni Tanamor ang Cuban na si Bartelemiyan Varela sa light flyweight division at Payla kontra naman sa Russian na si Alexander Afanasiev sa flyweight class. Makikipagpalitan naman ng kamao si Tipon kay Cuban Guillermo Rigondeaux.
Pagkatapos ng Czech tournament, ang koponan ay magbibiyahe patungo sa Romania para sa Golden Belt tourney sa June 15-20.
Pagkatapos ng dalawang international tournaments na ito, magsasa-nay naman ang koponan sa international training camp sa Plovdiv, Bulgaria sa June 21 hanggang July 16 bago tapusin ang dalawang buwang biyahe ng isa pang paglahok sa international training camp sa Bugeat, France sa July 17 hanggang Aug. 5.