Ito na lamang ang kinakailangan ng defending champion Hapee Toothpaste upang makopo ang 4-of-6 incentive rule, na magbibigay sa kanila ng playoff para sa ikalawang upuan sa kampeonato ng PBL Unity Cup.
Isang triple ang isinalpak ni Reed Juntilla may 63 segundo ang nalalabi upang basagin ang huling pagtatabla ng laro at tampukan ang pamatay na 10-0 run upang ihatid ang Teeth Sparklers sa 68-61 tagumpay kontra sa Toyota Otis-Letran kahapon sa Pasig Sports Center.
Ito ang ikatlong sunod na panalo ng Hapee--ang kanilang pinakamahaba sa kumperensiyang ito, na nagpalawig sa kani-lang rekord sa 8-7 panalo-talo.
Ang Water Force ang siyang umangkin sa unang finals slot, na nag-iwan sa Teeth Sparklers at Paintmasters para pag-agawan ang karapatang makaharap sila sa best-of-5 titular series na mag-sisimula na sa Sabado.
Umiskor si Emerson Oreta ng 15 puntos habang si Juntilla at Ryan Dy ay tumapos na may tig-14 puntos para sa Hapee, na nakipaggitgitan sa Toyota sa buong laro, na nag-resulta ng 11 na tabla at 16 na pagpapalitan ng kalamangan.
Sa ikalawang laro, nagsanib sina Chester Tolomia at Jojo Tangkay sa pagkana ng 17 puntos, kabilang ang 5 triple sa huling apat na minuto upang ihatid ang Welcoat Paints sa 78-66 panalo laban sa Viva Mineral Water na naggarantiya sa unang playoff para sa huling finals berth.