Lumundag ang heptathlete na si Atienza, isang Private First class ng Philippine Army, na kababalik lamang sa event na ito ng 1.75metro para talunin ang Korean na si Myong Hee Shin.
Nagkasya na lamang sa silver medal si Shin sa kanyang nilundag na 1.65m habang nasungkit naman ni Rochelle Dayao ng Philippine Air Force ang bronze sa kanyang 1.45m na tinalon.
"At least bumalik na ang dati kong kumpiyansa dahil parang hu-mina ako sa high jump nang sinubukan kong lumipat sa heptathlon pagkatapos ng Vietnam SEA Games," ani Atienza, silver medalist sa high jump noong Kuala Lumpur SEA Games.
Ang iba pang sumungkit ng gintong medalya kahapon ay sina Michelle Martinez ng Escalante City at Michael Embuedo ng PAF sa womens shutput at mens 20,000m walk, ayon sa pagkakasunod.
Naghagis si Martinez ng 11.44m para daigin ang silver medalist na si Marlyn Dionio ng Phi-lippine Navy A na lumundag lamang ng 11.12m at bronze medalist Annalyn Reyes ng Bulacan State U na may 8.82m.
Pinakamabilis namang nagtapos si Embuedo na may tiyempong 1:48.44.4 para sa gold habang sina Eric Tauro ng TMS-Ship (1:54.44.8) at Msg. Saturnino Salazar ng Philippine Army (1:58.00.8) ay nagkasya sa silver at bronze medal, ayon sa pagkakasunod.
Ang iba pang naka-gold ay sina Anthony Dandan ng Adamson sa boys 10,000m walk, Allan Loid Lumabao ng Ilocos sa boys javelin throw, Jason Bert Lalan ng Tangub City sa pole vault at Maricel Mariano ng Laguna Team A sa girls long jump. (Ulat ni CVOchoa)