At sa pagpapatuloy ng hostilidad ngayong hapon sa Pasig Sports Center, sisikapin ng Welcoat Paints na patatagin pa ang kanilang kapit sa ikalawang puwesto sa pagharap nito sa rumaragasang Water Force habang magpupumilit ang Hapee Toothpaste at Toyota Otis-Letran na mana-tili sa kontensyon sa kanilang- pagku-krus ng landas.
Ang Paintmasters at Water Force ay papalaot sa ganap na ika-4 ng hapon, matapos ang inisyal na sultada sa pagitan ng defending champion Teeth Sparklers at Knights sa alas-dos.
Ang Viva ay mayroon nang 11-1 rekord, na tinatampukan ng 9-game winning streak -- pinakamahabang serye ng panalo sa liga sa nakalipas na mga taon. Sila ay naghihintay na lamang ng pagtatapos ng yugtong ito ng torneo upang maipormalisa ang kanilang pag-akyat sa best-of-5 titular series.
Sa kabilang banda, ang Welcoat ay may 7-5 karta, na kasalukuyang nagbibigay sa kanila ng dalawang larong bentahe laban sa nahuhuling Hapee at Toyota, na kapwa may 5-7 marka.
Ang Teeth Sparklers ay hindi pa nakakapagtala ng panalo sa semis at nakatamo ng matinding humilisasyon sa nakalipas na dalawang pagsalang, 70-50 pagkalampaso sa kamay ng Paintmasters noong Huwebes at ang 80-66 pagkalunod sa Water Force noong Sabado.
Ang Hapee ay nanganga-ilangan nang walisin ang nalalabi nilang 4 na laro upang makakuha ng playoff para sa ika-2 finals slot sa bisa ng 4-of-6 incentive rule, o kaya ay umasa na malalagpasan ang Welcoat sa ikalawang posisyon.
Ang Knights naman, na galing sa 71-68 paglusot sa Paintmasters noong Sabado, ay nangangailangang magwagi ng tatlo sa huli nilang 4 na asignatura upang makamit ang naturang insentibo. (Ulat ni IAN BRION)