At sa muling pagsiklab ng hostilidad sa ginaganap na eliminasyon, ang pagtatangka ng defending champion Hapee Toothpaste at Sunkist-UST na mapanatili ang kanilang kapit sa ikatlong puwesto ang siyang tampok sa dalawang sultadang nakahain sa pagbisita ng liga sa University of Santo Tomas Gym.
Unang papagitna ang Teeth Sparklers kung saan haharapin nito ang rumaraga-sang Viva Mineral Water-FEU sa ika-2 ng hapon habang ang Tigers ay makikipagtipan sa Blu Star Detergent sa alas-4.
Dahil sa higpit ng kompetisyon, wala pang koponan ang napapatalsik sa kontensyon papasok sa huling tatlong playdate ng intra-inter elimination phase na ito. Ang dalawang nakasisiguro na ng direktang pagpasok sa Final Four ay ang Viva-FEU na may 7-1 rekord at ang Welcoat Paints na may 6-3 slate habang ang anim na nasa ibabang koponan ay pinaghihiwalay lamang ng isat kalahating laro.
Ang Detergent Kings, na matapos ang masamang pasimula ay nakabalik sa kontensyon matapos nitong ipanalo ang 3 sa huli nitong 4 na asignatura, ay nasa ika-6 na puwesto tangan ang 3-5 karta sa likod lamang ng Montana Pawnshop (4-5) samantalang ang mga baguhang Toyota Otis-Letran at Lee Pipes-Ateneo ay kapwa may 3-6 marka.
Ang Teeth Sparklers, na manggagaling sa tagumpay na pumutol sa tinamo nilang 3-game losing streak ay inaasahang makakatanggap ng matinding oposisyon mula sa Water Force, na bagamat pasok sa Final Four ay nais pa ring humatak ng panalong kanilang babaunin patungo sa naturang yugto ng kumperensya.
Ang Viva ay siyang pinaka-mainit na koponan sa kasalukuyan matapos nitong ipanalo ang huli nilang 5 laro, na nagpalawig sa kanilang league-leading record sa 7-1. Ang kanilang tanging kabiguan ay nagmula sa Welcoat, 89-80, mahigit isang buwan na ang nakalilipas. Ang Paint Masters ay may 6-3 baraha. (Ulat ni IAN BRION)