Tabla sina Pacquiao at Marquez

Naging madugo ang laban ni Manny Pacquiao kontra kay Marquez ngunit natapos ito sa draw kahit na tatlong beses niyang napabagsak ang Mexican boxer sa unang round ng kanilang 12-round featherweight title fight.

"Dismayado ako," wika ni Pacquiao na ngayon ay may record nang 38-wins, two-draws at two-loss. "Panalo sana ako, lamang na ako sa puntos."

Tila hindi na tatagal si Marquez pagkatapos ng unang round ngunit magiting nitong tinapos ang 12-round bout para mapanatili ang kanyang World Boxing Association at International Boxing Federation titles.

Bumangon si Marquez sa ikaanim na bilang sa kanyang ikatlong knockdown. Natapos niya ang unang round kaya pinalitan niya ang kanyang tactics at siya’y naging palaban kaya panay ang salpukan ng dalawa.

Buhat dito, panay ang hiyawan ng crowd hanggang sa matapos ang laban.

Iniskoran ni Judge John Stewart ng Nevada ang laban sa 115-110 para kay Pacquiao, habang nakita naman ni Guy Jutras ng Canada ang laban sa 115-110 para kay Marquez. Ngunit para kay Burt Clements ng New Jersey, tabla ang iskor, 113-113.

Parehong duguan ang dalawang boxers sa pagtunog ng final bell. Si Pacquiao ay may sugat sa taas ng kanyang mata habang si Marquez naman ay sa ilong at kaliwang mata.

Hindi in-effect ang three-down knockdown rule kaya walang magawa si referee Joe Cortez kundi ituloy ang laban ni Marquez kay Pacquiao.

Show comments