Nabitiwan man ng 26-gulang na national team member mula sa Nueva Ecija ang pamumuno sa Summit KOM race, matagumpay naman nitong naidepensa ang yellow jersey pagkatapos ng Tagaytay-to-Quezon City Stage 5 na pinangunahan ni Dole team captain Albert Primero sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Air21 Tour Pilipinas.
"Ang plano talaga, depensahan yung yellow jersey. Masyado na akong malalaspag kung hahabulin ko pa yung KOM at saka yung stage win," wika ni Feliciano na sumabay lamang sa kanyang mahi-higpit na kalaban sa individual overall kaya halos di natinag ang top-ten overall.
Unang tumawid sa finish line si Primero ng 212.80 kilometrong karera sa loob ng limang oras, 19-minuto at 41 segundo na sinundan ni Alfie Catalan ng Marsman-Drysdale makalipas ang anim na segundo at ikatlo ang rookie na si Tomas Martinez ng Beer na Beer makaraan ang 1:31 minuto.
Dahil dito, umangat si Primero sa ikatlong puwesto ng individual overall sa likod ng overall leader na si Feliciano at pumapangalawang si Eusebio Quinones ng Purefoods na magkasabay lamang tumawid ng finish line.
Si Feliciano ay may total time na 20hours at 9.24 minuto matapos ang limang stage at nananatiling may pitong segundong agwat lamang sa pumapangalawang si Quinones.
Bukod pa rito, naagaw din nito ang liderato sa KOM race matapos pangunahan ang tatlong KOM stretches kahapon para sa kabuuang 17 puntos ngunit di naka-kalayo si Feliciano na may 16 puntos.
"Marami pa namang pagkakataon," ani Feliciano na siyang unang nakapagdepensa ng overall leadership sa 17-days race na ito na suportado ng Lactovitale, Gatorade, Red Bull, Isuzu, Pharex Multivitamins at Summit. "Nahirapan kasi akong dumipensa. Sabi ko nga, kunin nyo na lang tong yellow jersey. Pero bukas (ang 156-kilometrong Quezon City-to-Olongapo Stage 6 na magtatapos sa Rizal Avenue) mas madali nang dumipensa kasi konti lang yung ahon."
Higit namang pinalawig ng Postmen ang kanilang bentahe sa team competition para sa P1-milyong team prize matapos pamunuan ang stage nang magtala sina Enrique Domingo, Garry Apolinar at Joseph Millanes ng pinagsama-samang oras na 16:05.35 para sa aggregate time na 60:37:08, may 13:25 minutong kalamangan sa pumapangalawang Beer Na Beer na may 13:25 minutong kalamangan sa pumapangalawang Beer Na Beer at 14:10 minutong agwat sa pumapangatlo nang Sam-sung.
Umahon naman si Martinez sa ikapitong puwesto sa overall mula sa 12th spot sa likod ng mga team captains na sina Merculio Ramos ng Samsung (nasa 4th place na may 2:25 minutong distansiya sa yellow jersey), Rhyan Tanguilig ng PLDT (4th, 3:06) at Enrique Domingo ng Postmen (6th, 4:06).
Ang bumubuo ng top 10 ay sina Ronald Gorrantes ng Metro Drug (8th), Arnold Marcelo ng Mail And More (9th) at Renato Dolosa ng Metro Drug (10th).
Pinalakas naman ni Domingo ang kanyang kapit sa pananatili bilang Sprint King makaraang makaipon ng kabuuang 12 puntos, isang puntos na abante sa pumapangalawang si Villamor Baluyot. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)