ROOKIE OF THE YEAR

Noong 1990, nakapagtala ng history si Gerald Esplana nang siya ang mahirang na Rookie of the Year.

Bakit?

Kasi, si Esplana ay second round pick lang ng Presto Ice Cream. Ang kinuha ng Presto bilang top pick sa taong iyon ay si Peter Jao. Subalit kahit na sa second round pa nadampot si Esplana ay hindi ito naging hadlang upang hiyain niya ang mga firt rounders sa katapusan ng season at makamit niya ang ROY award.

Iyon ay patunay lang na hindi porke’t mababang napili ang isang manlalaro ay wala na siyang tsansang sumikat sa PBA. Kung magsisikap siya nang husto ay puwede rin siyang maging superstar. Kasi, sa kanyang pagsisikap ay tiyak na mabibigyan siya ng break ng kanyang coach lalo’t kung kailangang-kailangan siya sa kanyang pusisyon.

Bakit tayo nagpa-flashback kay Esplana?

E kasi sa kasalukuyang Gran Matador-PBA Fiesta Cup, isa uling second round pick ang namamayagpag bago nagkaroon ng isang linggong pahinga ang torneo.

Si Paul Artadi, na napili ng Purefoods Tender Juicy Hotdogs bilang No. 11 pick overall sa 2004 Draft ang siyang nangunguna sa labanan para sa Rookie of the Year award. Biruin mong ikatlong rookie lang siyang kinuha ng Hotdogs Nauna pa sa kanya sina James Yap (No. 2) at Ervin Sotto (No. 6).

Pero dahil kailangan ng Purefoods ng isang mahusay na point guard na hahalili sa nagretirong si Ronnie Magsanoc at sa injured na si Boyet Fernandez ay nabibigyan ng mahabang playing time si Artadi. Kaya nga sinasabing napakasuwerte ng manlalarong ito dahil napunta siya sa isang koponang tunay na nangangailangan ng kanyang serbisyo. Kung ibang team ang nakakuha kay Artadi, baka hindi siya mabigyan ng mahabang playing time.

Buong-buo ang kumpiyansa ni Purefoods coach Paul Ryan Gregorio kay Artadi. At buong-buo naman ang loob ni Artadi sa paglalaro. Para na nga siyang isang beterano kung kumilos. Ibang-iba ang kanyang tikas at sinusunod talaga siya ng kanyang mga beteranong kakampi kapag siya ang nago-orchestrate ng plays.

Pero siyempre, marami ang nagsasabing maaga pa naman at mahaba pa ang labanan. Katunayan, hindi naman regular conference ang Fiesta Cup dahil sa Oktubre pa magsisimula ang 30th season ng PBA ayon sa binagong kalendaryo ng liga. Ibig sabihin, hanggang sa July 2005 pa kailangang magpakitang gilas ni Artadi upang makopo ang Rookie of the Year award.

Marami pang puwedeng mangyari mula ngayon hanggang sa oras na iyon.

Hindi nga lang natin alam kung babaguhin din ng PBA ang pagpili ng mga pararangalan. Baka kasi may separate awardees sa pagtatapos ng Fiesta Cup.

Kung magkakaganito, hindi malayong magkaroon ulit ng Draft bago magbukas ang 30th PBA season?

Show comments