Paborito si Quirimit, tubong Pozorrubio, Pangasinan na magdiriwang ng kanyang ika-29 kaarawan sa Good Friday na maging ikaanim na siklistang manalo ng back-to-back.
"Pinaghandaan ko talaga. Maganda kasing maging back-to-back champion," ani Quirimit.
Ang yumao nang si Jose Sumalde ay nanalo noong 1964-65, ang Tour Pilipinas legal at race consultant Cornelio Padilla Jr. ay naghari noong 1966-67 at ang yumao na ring si Jacinto Sicam ang namayagpag noong 1981-82.
Naghari si Quirimit sa 2003 revival ng Tour para sa Tanduay ngunit hindi pa alam kung mananatili siyang Rhum Rider dahil sa launching at press conference pa ng Tour hahatiin ang 84 cyclists sa 12 squad sponsores na may 7-riders bawat koponan.
Nakipag-tie-up si Tour chairman Bert Lina, na chairman din ng Air21 ang maghahatid ng 17-stage, 21-day (April 12-May 2) race na may kabuuang premyong P4.7 million sa ABS-CBN, sa pamamagitan ng kanilang Studio 23 na magbibigay ng dynamic at revolutionary coverage na live feeds kung saan naroroon ang aksiyon.
Ang 1994 top rookie na si Quirimit na nanalo ng kanyang unang lap sa naturang taon ay naging dramatiko nang matagpuan nito ang sundalong ama sa Cagayan de Oro.
Tangka nitong makakuha ng Olympic slot sa road individual time trial sa Asian Cycling Championships sa susunod na linggo sa Yokaichi City, Japan kasama ang kanyang mga potential Tour rivals na sina Warren Davadilla at Enrique Domingo at Tour at national team rookie Dante Cagas.
Bagamat malapit na kaibigan nito si Davadilla na matagal na niyang national teammate at roommate, tinuturing niya ang 1998 champion mula sa Malabon na mahigpit na kalaban kasama ang isa pang Malabon rider, 1996 titlist na si Victor Espiritu. "Parehong dating champions na gustong makadalawa," aniya.