Masanay na kayo, dahil di paaawat si Pia Boren at Dahlia Guerrero.
Si Boren ay nagsimula sa karting, tulad ng maraming sikat na race driver. Noong bata siya, lahat gustong subukan: basketball, ballet, equestrian. Pero sa kotse bumilis ang takbo ng dugo niya. Sa nakaraang taon, ilan nang karera ang ipinanalo niya, kabilang ang Arthur Tuason Memorial. Umakyat din siya sa podium sa Ford Lynx Cup bilang runner-up.
"Malaking tulong talaga ang suporta ng mga magulang ko," kuwento niya. "Di nila malaman noon kung anong papasukin ko. Sinubukan ko na yata lahat, e!"
Si Guerrero naman ay baguhan noong 2003. Kapansin-pansin ang mestiza niyang anyo sa karerahan. Subalit huwag maliitin. Matindi ang hatak sa kanya ng karera.
"Bata pa lang ako, alam ko nang may gagawin ako tungkol sa mga kotse. Di ko alam kung paano, pero alam kong mangyayari iyon."
Para kay Guerrero, malaking bagay ang tulong ng mga isponsor, dahil hindi ka mauubusan ng gastos sa kotse. - "Yung mga akala mong maliliit na gastos, pag naipon, malaki pala," dagdag niya. "Hindi pwedeng sosobra sa sponsor, dahil maraming biglang gastos."
Pero, anuman ang mangyari, makikipagsabayan ang dalawang matatapang na dalaga sa kahit kaninong kalalakihan.