Noong Huwebes, isang dosena sa mga kilalang personalidad sa basketbol ay gumanap na mga ikakasal sa "Events at the Enterprise," isang pagdiriwang ng mga negosyong sangkot sa mga kasal. Binihisan sila ng Merger, isang tanyag na gumagawa ng mga corporate attire, sa disenyo ni Dobie Aranda.
"Gusto nila, bridal affair, pero may iba kaming pakulo," sambit ni Yonina Chan ng nag-organisang The Sharper Edge. "Ang mga artista, sanay na kasi sa ganito, at sanay na rin tayong makita sila sa camera. Pero, para sa mga basketball player, ibang karanasan ito."
Napakalaking kaganapan ito, dahil dalawang buong araw ang mga palabas, fashion show, exhibit at iba pang promosyon na ginawa. Bago rumampa ang mga player, nauna ang mga babaeng professional models, kabilang ang ilang artista.
"Kung sa basketball court, tumatakbo kami, dito, pag tumakbo kami, wala kaming playing time," pabiro ni Alex Compton ng Sunkist-UST. "Dapat may yabang ang lakad mo. Hindi naman mahirap siguro."
Kasama ni Compton sina Elmer Yanga at Eric Reyes ng RFM Corporation, Olsen Racela at Boybits Victoria ng San Miguel Beer, Johnny Abarrientos, Poch Juinio at Gec Chia ng Coca-Cola, Coach Ryan Gregorio, Paul Artadi at PJ Simon ng Purefoods, at Roy Billanes ng St. Francis of Assisi.
"Hindi kami naka-shorts ngayong gabi," dagdag ni Racela. "Well be very neat and very cute. Kakaibang Olsen, kakaibang Boybits, kakaibang Johnny. Hindi kami sanay sa ganito, kaya exciting."
"Sabi nila sa amin, katuwaan lang," kuwento ni Abarrientos. "Pero noong dumating kami rito, sabi naman seryosohan ito, a."
Bagamat sanay silang tinitignan ng mga tao, ang ganitong klaseng atensyon ay kakaiba, dahil nanibago sila sa lakas ng ilaw, at dami ng mga manonood na nakatutok sa kanila na wala naman silang hawak na bola.
"Maganda talaga," pag-apruba ni Mina Caliguia, isa sa mga organizer.
"Matatangkad sila, wala silang tiyan, bagay talaga. At siyempre, cute sila."