NBA CHEERLEADERS, DARATING

Hindi pangkaraniwang tagahanga ng basketbol si Joe Guerrero. Liban sa pagiging beteranong cheerleader, siya ang lumikha ng mga website ng mga kilalang basketbolista tulad nina Danny Seigle at Mark Caguioa.

Ngayon naman, dahil sa pagnanais niyang itaas ang antas ng kanyang hilig, magdadala siya ng dalawang beterano mula sa NBA.

"Matagal ko nang gustong gawin ito," pag-amin ni Guerrero. "Lalo na ngayong malaki ang interes, lalo na sa mga paaralan, kailangan talagang magpasok ng mga pro. Marami kaming ituturo."

Ang unang Cheerleading Camp ay gaganapin sa Adidas Sports Kamp at SM Megamall mula ika-17 hanggang ika-23 ng Abril. Ang mamamahala ay sina Jason Bass at Giselle Fabricante. Si Bass ay sampung taon nang beterano ng cheerleading sa Amerika. Nakilala siya sa Rutgers University, kung saan siya nakasali sa koponang Wild Stars na hinirang na national champion ng Amerika. Naging bahagi ng NBA si Bass, at nakarating na sa Italy, Japan, Mexico, France at Spain. Kasalukuyan siyang kabilang sa New Jersey Nets.

Si Fabricante naman ay sumikat agad bilang Rookie of the Year sa Rutgers. Kasalukuyan siyang namamahala, nagsisilbing choreographer, at minsan ay sumasama pa sa NBA Fan Patrol na naghahatid ng saya sa napakaraming tao.

Si Guerrero ay 13 taon nang cheerleader. Nagsimula siya sa De La Salle University sa UAAP. Siya rin ang coach ng Assumption Hard Court nang bumalik sila sa pakikipagpaligsahan at nagwagi sa Johnson ang Johnson Cheerleading contest noong 1998.

Ang kurso ay bukas para sa mga professional, college at high school cheerleaders. Siyam sa mga pinakabeteranong cheerleader sa Pilipinas ay tutulong sa pagtuturo. Ang mga interesado ay maaaring tumawag sa 726-9606.

Show comments