May mga ilang payo rin ang inyong lingkod sa mga kaibigan nating player, na madalas nating makasalamuha maging sa labas ng basketbol.
Sumipot ka. May ilang mga manlalaro na nagibibitaw ng salita subalit walang intensyong sundin ito. Minsan, sasabihin nilang pupunta sila sa isang okasyon, pagkatapos ay hindi tutuloy. Maliit na bagay ito para sa kanila, pero nakakasakit ng damdamin ng ibang tao. At kakalat ang kanilang pang-iindyan.
Humindi ka. Madalas, tayong mga Pinoy ay nahihiyang humindi dahil natatakot tayong kagalitan ng tao. Pero mas nakakainis ang umoo na hindi darating. Mas gagalangin kayo kapag inamin ninyong may lakad kayo sa araw na iyon.
Mauunawaan pa kayo, at makikilala bilang taong may palabra.
Mag-ayos. Bilang taong nakikita palagi sa telebisyon, mas mapapansin kayo kaysa sa karaniwang tao. Karapat-dapat lamang na magbihis ng maayos at hindi mukhang gusgusin. Lalo na kung malaking tao kat napakadaling mamataan sa gitna ng maraming tao.
Magtanong. Liban sa katanungan kung may bayad ang lakad mo, magtanong kung anong oras ka kailangan, ano ang gagawin doon, at kung may isponsor. Maaring kalaban ng iniindorso mong produkto ang may pakana, mahirap na. Liban doon, malalaman mo kung ano pa ang ibang paghahandang kailangang gawin.
Bilang pangwakas, magpakabait. Kung ayaw mong pumunta, huwag. Baka tumuloy ka nga, pero nagsusungit ka naman o nagmamadali. Insulto pa iyon sa nag-imbita sa iyo. Lubusin mo na ang pagpunta.
Sa mga simpleng payong ito, naway makatulong tayo sa mas magandang pakikitungo sa ating mga kababayang masugid na tagapanood ng lahat ng sports.