Sinimulan ng Chinese No. 2 player na si Lu Hao ang kampanya ng China sa bisa ng 7-5, 2-6, 6-1, 7-6 (7-3) panalo kontra sa top Filipino netter na si Johnny Arcilla bago humatak naman si Yu Xin-yuan ng 6-1, 6-2, 6-1 tagumpay kontra sa RP No. 2 player na si Joseph Victorino.
Nakatakdang ibigay ngayon ng Chinese ang pinal na hatol para sa Filipinos kung saan ang tambalang Yu at Xu Ran ay makikipaglaban sa pares nina Arcilla at Adelo Abadia sa doubles match ng kanilang best-of-five matches sa ala-1 ng hapon.
Ilalaro naman bukas ang reverse singles na magtatampok naman kay Arcilla kontra Yu at Victorino laban kay Lu.
Ang pagkatalo ng Philippines ang maglalaglag sa kanila sa relegation match kontra sa matatalo sa pagitan ng Kuwait-Hong Kong tie para sa karapatang manatili sa Group II sa susunod na taon.
Kinakitaan agad si Arcilla, winner ng lahat ng local singles titles sa bansa noong nakaraang taon nang kanyang yanigin ang first time Davis Cup participant na si Lu nang iposte ang 5-1 kalamangan sa unang set.
Ngunit, tila nagbago ang taktika ni Arcilla nang ang kanyang laro ay unti-unting tumamlay sanhi ng sobrang kumpiyansa at nawala sa kanya ang atenisyon.
Ito ang sinamantala ng 20-anyos na Chinese student mula sa Beijing University at siya naman ang nagpasiklab kung saan huli na ng maitama ng 24-gulang na si Arcilla ang kanyang tempo na naging daan para sa 7-5 pamamayani ng Intsik.