Pagkatao

Muling sinisiyasat ng National Bureau of Investigations ang tunay na pagkatao ng mga professional basketball players sa Pilipinas. Si Rudy Hatfield ng Coca-Cola ang pang-apat na manlalaro ng PBA na inanyayahang humarap sa NBI, kasunod nila Asi Taulava, Davonn Harp at Jon Ordonio.

Komplikado ang isyu dahil iba-iba ang saligang batas na sinusundan, at may kanya-kanyang patakaran. Bago pinalitan ang Philippine Constitution noong 1973, ang Pilipinang mag-asawa ng dayuhan ay nawawalan ng citizenship.

Subalit ang problema'y di naman siya kinikilala ng bansa ng kanyang asawa. Kaya ngayon, mapapanatili ng sinumang Pilipino ang kanyang pagiging Pilipino kahit mag-asawa siya.

May mga kasong nagkakagulo dahil lamang sa taon ng kapanganakan. Halimbawa nito ay si Will at Steven Antonio. Si Will Antonio ng Coca-Cola Tigers ay malayang maglaro sa PBA dahil ipinanganak siya pagkatapos ng 1973. Ang kanyang kapatid na si Steven ay mas matanda, kaya't mas marami ang kinakailangang dokumento. Nakapaglaro siya sa MBA, pero hindi sa PBA.

Sa ibang kaso naman, kailangang patunayan na hindi naging mamamayan ng ibang bansa ang magulang ng kinauukulan. Ganito ang kaso ni Hatfield. Ang kanyang lolo ay nagsilbi diumano sa US Armed Forces. Sa mata ng iba, ito ay maaaring basehan ng pagka-wala ng Filipino citizenship. Subalit may katibayan si Hatfield na hindi naging Amerikano ang kanyang lolo (at pati na rin ang kanyang ina), kaya't kinilala siyang Pilipino ng ating Department of Justice, magtatatlong taon na ang nakalilipas.

Sa ating bansa, umiiral ang pagkilala sa magulang. Sa Amerika, maaari mong piliin ang tatlong citizenship: sa iyong ina o ama, o kung saan ka ipinanganak. Ang kabalintunaan dito'y sa ilalim ng batas ng Amerika, pwedeng maging Pilipino si Alex Compton dahil isinilang siya dito.

Sa ibang dako, may mga patakaran din para ligal na baguhin ang iyong pangalan. Isa rito ay para sa mga matitinding personal na dahilan, tulad kung napakasama ng tunog ng iyong pangalan. Ang isa pa ay kung may kapangalan kang kilalang kriminal, at dahil dito'y naaabala ang iyong pagbiyahe sa ibang bansa dahil napagka-kamalan kang siya. Minsan naman, kung nais mong angkinin ang pangalan ng isang taong malapit sa iyo, maaari rin.

Ang problema ngayon ng NBI ay ito: kung may malantad silang pekeng Fil-Am, ano ang gagawin nila? Paano kung may pagkilala na ito sa DOJ, paano nila babaliktarin ito?

Mahirap kalaban ang may resbak na makapangyarihan.

Show comments