Pingris, De Ocampo nakipagkasundo na sa FedEx

Halos nakapirma na o nakipagkasundo na ang mga sikat na rookie draftees maliban na lamang nina Jean Marc Pingris at Ranidel de Ocampo, na kasalukuyan pa ring nakikipagtawaran sa FedEx.

Ang mga detalye na lamang ng kontrata ang pinag-uusapan nina Ping-ris, ang No. 3 pick overall, at De Ocampo, ang fourth overall, at ng FedEx.

Dahil dito, inaasahang pipirma ang dalawa anumang araw sa linggong ito.

Ang tanging napapapirma pa lamang ng Express sa kanilang tatlong rookie picks ay si Wesley Gonzales, ang kanilang No. 9 pick na lumagda ng kontratang tinatayang P6 milyon.

Si Gonzales ay tatanggap ng P120,000 kada-buwan sa kanyang unang taon at posibleng lumaki ito ng 20% sa susunod na taon.

Ayon kay Charlie Dy, ang agent ni De Ocampo, inalok ang kanyang alaga ng kontratang nagkakahalaga ng P7 hanggang P8 milyon na may magarbong performance-based bonus scheme.

Sinabi naman ng agent ni Pingris na si Ed Ponceja na nais pa nilang lumaki ang inalok na kontrata sa kanyang player na di nalalayo sa alok kay De Ocampo.

Nais ng kampo ni Pingris ang three-year P9 million deal ngunit ayon kay Ponceja ay payag silang makipagkumpromiso.

Samantala, handa naman ang FedEx na bigyan ng extension si Jerry Codiñera kung makakapagbigay ito ng medical clearance mula sa doktor na aprobado ng FedEx.

Matatandaang kagagaling lamang ni Codiñera sa biglaang operasyon ng kanyang colon habang nagbabakasyon ito sa Italya kamakailan lamang.

Bibigyan din ng San Miguel ng extension si Boybits Victoria kung hindi ito makakahanap ng kanyang lilipatang team matapos itong ilagay ng Beermen sa trading block.(Ulat ni Carmela V. Ochoa)

Show comments