Natigil sa loob ng limang taon, muling ibabalik ng SCOOP ang Annual Awards Night sa Enero 30 na gaganapin sa City State Hotel.
Pangungunahan ni dating International Boxing Federation superbantamweight champion Manny Pacquiao, na yumanig sa buong mundo sa lahat ng kanyang laban sa pamamagitan ng maiikling ruta, kabilang na ang sensational 11th round technical knockout kontra kay Mexican Marco Antonio Barrera noong nakaraang Disyembre sa Alamodome sa San Antonio, Texas.
Dahil sa kanyang tagumpay, gagawaran ang 25 anyos na si Pacquiao ng "Achiever of the Year award."
Ang naturang award, na pinakamataas na igagawad ng organisasyon ay pinangalan kay Pancho Villa, ang kauna-unahang world boxing champion at Hall Of Famer ng bansa at Asya na ginawaran ng best flyweight ng ring Magazine at iba pang award-giving world bodies sa pagtatapos ng 20th century.
Inihayag din ni SCOOP president Eddie Alinea ang 10 pang ibang atleta na tatanggap ng silver cup bilang Ten Outstanding Pilipino Sportsmen (TOPS).
Nangunguna sa kategoryang ito ang World Cup bowling champion na si Christian Jay Suarez at kapwa bowlers na sina Liza Clutario, Liza del Rosario at Cecilia Yap, na pinagsama-sama ang mga talento para makopo ang womens trio sa world Bowling Championships, ang kauna-unahan para sa bansa at maging sa Asya.
Tatlo pang world titlists -- sina Arvin Ting at Rene Catalan sa wushu at Bacolod girls softball team, na nagwagi sa Junior League World Series ang kasama sa naturang parangal.
Ang limang multi-gold meda-lists sa 22nd Southeast Asian Games ang bubuo sa SCOOP TOPS awardees. Ito ay sina International Masters Mark Paragua, triple gold medal winner sa chess at ang mga double-gold medalists na sina wrestler Marcus Valda, diver Rexel Ryan Fabriga, wushu artist Willy Wang at billiards ace Lee Van Corteza.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng SCOOP, ang mga babaet lalaking nagko-kober sa sports ay bibigyan ng Lifetime Archievement Awards na iginagawad sa isang indibiduwal, atleta, coach, lider o patron na malaki ang nagawa para sa ikauunlad ng sports sa bansa.
Ang iba pang awards na ipamimigay ay ang Vic Villafranca Me-morial Awards para sa mga record-breakers at first time winners ng international tournaments, Sim Sotto Memorial para sa mga kabataang Leadership Awards at SCOOP Kabisig Awards para naman sa mga sponsors at patron.