Templo, 4 pa nangunguna sa MCC chessfest

Tinalo ni top seed Bernard Templo si Christy Bernales sa 29 moves ng larong Slav noong Sabado upang manatili sa kanyang pakikihati sa liderato sa apat pang contenders sa ikalawang round ng MCC Student League na ginaganap sa 4th Flr. miniarcade J&F Divino Bldg., sa Quezon City.

Ang UP varsity team member na si Templo na nanalo kay Chiara Lim sa unang round ay may perfect score na ngayon na dalawang puntos kasama ang apat na iba pa matapos ang dalawang round sa two-Saturday 60-minute event na ito.

May dalawang puntos din sina Remile Medina na nanalo kay Bernice Mendoza sa 36 moves ng Modern defense, Jesus Alfonso Datu na nanaig kay Carlos Feliciano sa 35 moves ng Gruenfeld, Simon Dolosa ng Ateneo na nagpabagsak kay John Finly Dacanay ng UP sa 30 moves ng French at MJ Turqueza na nanalo naman kay Rommelle delos Santos sa 36 moves ng larong Sicilian variation.

Naghahabol naman sina Aices Salvador ng UE na may 1.5 puntos matapos manalo kay Franz Barreto sa 27 moves ng isa pang Sicilian game. Ang iba pang round winners ay sina Emmanuel Emperado, Jan Nigel Galan, Chiara Lim, Lester Lim, Cris Efren Viola at Mikee Charlene Suede.

Magpapatuloy ang aksiyon sa Sabado, alas-12:00 ng tanghali kung saan ang pairings ay Dolosa versus Templo, Medina versus Datu at Turqueza versus Salvador.

Show comments