Matatagalan bago muling umakyat ng ring si Pacquiao

Matatagalan pa bago muling umakyat ng ring si Manny Pacquiao, at malamang ito ay sa Mayo pa. Ito ang naging pahayag ng kanyang business manager na si Rod Nazario.

"Nakiusap rin sa akin si Manny na kung puwede raw ay iatras ng bahagya ang schedule niya kasi meron pa siyang mga commitment na kailangang tapusin," wika ni Nazario mula sa kanyang bahay sa BF Homes sa Parañaque.

Tinatarget nina Pacquiao si Paulie Ayala sa isang rambulan sa featherweight division matapos isurender ni Pacquiao ang kanyang International Boxing Federation (IBF) superbantamweight title noong Biyernes.

Samantala, patuloy pa rin si Pacquiao sa pag-entertain ng mga offer para sa mga commercials at shooting sa pelikula.

"Hindi naman kami naaalarma kasi talaga namang medyo may katagalan pa ang laban ni Manny," dagdag pa ni Nazario.

"Pero alam naman natin na oras na nagsimulang mag-ensayo si Manny ay walang nakakapigil sa kanya. Talagang seryoso. Hindi nag-papaawat."

Sa iba pang mga balita sa lokal boxing, magsasagupaan sina Z Gorres at Randy Mangubat sa Pebrero 20 sa Makati Coliseum.

Pumayag na si Yukichika Muriyama, manager ni Mangubat, na testingin itong si Gorres, na bata naman nina Tony Aldeguer at Rudy Salud.

Show comments