Payla umusad sa semis

Puerto Princesa, Palawan -- Binugbog ng Pinoy na si Violito Payla si

I Hyon-Kim ng North Korea upang umusad sa semifinals habang hindi naman naging masuwerte sina Junard Ladon at Florencio Ferrer noong Huwebes ng gabi sa 22nd Asian Olympic qualifying sa Puerto Princesa Coliseum dito.

Isang matindi at mabilis na kombinasyon ang ibinigay ng 25 anyos na si Payla sa kanyang kalaban tungo sa 30-16 decision na naglapit sa kanya para sa una sa tatlong Olympic slots sa flyweight division.

Susunod na makakalaban ni Payla para sa kanyang kampanya sa Olympic ay si Tulash Boy Doniyorov ng Uzbekistan.

Ang kasiyahan ng mga manonood ay agad napigil nang yumuko na-man ang 21 anyos na tubong Bago City na si Ladon kay Galib Ozha-favov ng Kazakhstan, 32-11.

Hindi pa natatapos ang hinagpis ng mga Pinoy ay lumasap naman ng kabiguan si Ferrer sa kamay naman ng Pakistani na si Asghal Ali Shah.

Masyadong malakas ang Kazakhs para kay Ladon nang mula sa opening bell hanggang sa matapos ang laban bagamat ilang beses nitong tinangkang patamaan ang kalaban na hindi man lang natinag.

"Nanggigil siguro ako dahil gusto kong makabawi, tinalo kasi niya ako noon," ani Ladon na may pag-asa pang maisakatuparan ang kanyang pangarap na Olympic sa dalawang nalalabing qualifiers sa Marso sa China at Abril sa Pakistan.

Ang panalo naman ni Payla ang nagdala sa kanya para samahan ang beteranong si Romeo Brin na tinalo ang Sydney Olympian na si Nursa Kazymzhahnov, 28-18 noong Miyerkules ng gabi.

Ang maningning na tagumpay ng beteranong si Brin ay nagbigay sa kanya ng ikatlong pagkakataon na maabot ang mailap na gintong medalya sa Olympics ng quadrennial event.

"Inatake ko kaagad sabi nina coach unahan ko na," ani Brin na ang susunod na makakaharap ay ang Iranian na si Reza Ghasemiozanolya na nanaig kay Chinese Bai Bingbing, 21-9. (Ulat ni Joey Villar)

Show comments