Supremidad sa Blu Star patutunayan ng Welcoat

Tatangkain ng defending champion Welcoat House Paints na muling mapatunayan ang kanilang supremidad kontra sa Blu Star Detergent sa kanilang pagsasagupa ngayon sa panimula ng semifinal round ng PBL Platinum Cup sa Pasig Sports Center.

Makaraang tapusin ang two-game losing run sa pamamagitan ng 90-64 panalo kontra sa Montana Pawnshop, muling pinapaboran ang Paint Masters na mama-yani kontra sa Detergent Kings bagamat hindi nila aasahan ang serbisyo ni power forward Marc Pingris.

Ang 6’6 na si Pingris na isa sa pitong manlalaro ng Welcoat na lalahok sa PBA Annual Draft sa Enero 16 ay sinuspindi ng isang laro makaraang lumabag ito sa house rules sa ikaapat na pagkakataon. Sa kanilang laban noong Sabado, hinatulan din ito ng technical foul at pinagmulta ng P2,000.

Dalawang beses tinalo ng Paint Masters ang Detergent Kings sa elims, una sa iskor na 71-63 at ikalawa naman sa 71-62 ngunit hindi sapat ito para mapigilan ang Detergent Kings sa kanilang tangkang wakasan ang mga kabiguang ito lalo na’t umiinit na sina Lou Ga-tumbato, Jenkins Mesina at Ismael Junio.

Ang laban ay nakatakda sa ganap na ala-una y medya ng hapon. Tatangkain naman ng Fash Liquid Detergent na wakasan ang four-game winning streak ng Sunkist-UST sa kanilang paghaharap ngayong alas-3:30 ng hapon sa isa pang laban sa semis.

Bilang insentibo, ang koponan na magwawagi ng apat na laro ay may karapatang na makipagtunggali sa No. 2 team matapos ang semis sa playoff para naman sa ikalawang finals berth.

Show comments