Inaasahang ihahayag ng Shell management ang pangalan ng kanilang bagong coach at posibleng si Moran ang ipapalit kay Perry Ronquillo na nagbitiw bilang mentor ng Shell noong Nobyembre.
Si Moran na pinag-iinitan na ngayon ng Basketball Coaches Association of the Philippines ay itinalaga na ng Shell bilang trainor ng team para sa transition tournament na tatawaging Fiesta Conference.
Matunog ang balitang siya ang pipiliing head coach ng team habang isa kina Norman Black at Leo Austria, ang naunang pinagpipilian ng Shell para pumalit kay Ronquillo, ang kukuning assistant ni Moran.
Napaulat na nagpasa na si Moran, ang nangasiwa ng Rookie Camp ng PBA noong Enero, ng kanyang kredensiyal at ayon sa balita ay ilan sa kanyang mga ipinasang kredensiyal ay walang katotohanan.
Si Moran ang sinasabing dahilan para sa malaking pagbabago ng laro ni Tony dela Cruz na siyang tinanghal na Most Improve Player.
Samantala, ipinagpaliban ng PBA Board ang kanilang meeting para sa isyu ukol sa bagong TV coveror ng liga.
Matunog ang balitang sa ABC-5 i-aaward ang TV rights dahil nabili na ang station ni Tonyboy Cojuangco, ang nagma-may-ari ng dating PBA franchise na Mobiline.
Dahil nakabakasyon ang karamihan sa mga miyembro ng Board, ang meeting ay muling itinakda sa Lunes at ditoy inaasahang maipopormalisa na ang PBA-ABC deal.
Sa iba pang balita, hindi pa rin pinipirmahan ni Willie Miller ang kontratang alok sa kanya ng mother team na Red Bull.
Inalok si Miller, ang 2002 MVP at one-on-one competition king, ng dalawang taong kontrata na tinatayang mas mataas sa kanyang suweldo noong nakaraang taon na P200,000 hanggang P250,000.
Ayon sa isang source, naghahanap na ito ng ibang option bago nito pirmahan ang kontrata.
Sa napabalitang Billy Mamaril at Homer Se trade, hindi kinagat ng Red Bull ang alok ng Purefoods.(Ulat ni Carmela Ochoa)