SMC All-Stars. Sinimulan sa taong ito ang pagdayo ng mga retiradong beterano ng PBA. Sa tutoo lang, mas marami pa silang nailaro, napuntahan at napaligaya kaysa sa sinumang PBA team. At ang mga nabigyan nila ng pag-asa ay libu-libo. Naging saksi ako sa mga nadalhan nila ng pag-asa at kasiyahan.
Aric del Rosario, Perry Ronquillo, Boycie Zamar. Bibitawan na ni Aric del Rosario ang UST, at bilang pamamaalam, kinuha niya and gintong medalya sa SEA Games. Matapos ang limang taon, magpapa-hinga si Perry Ronquillo mula sa Shell Turbochargers. Nakakapagod din ang lumaban na kulang ang mater-yales. At naghiwalay na ang UE at coach nitong si Boycie Zamar, bagamat dalawang titulo ang naihatid nito sa Red Warriors. May malalim at malagim kayang dahilang di pinag-uusapan?
Jimwell Torion. Dalawang beses nabukulan ang point guard ng Red Bull Barako sa taong ito. Sa gitna ng pagsala ng mga player na tumikim sa ipinagbabawal na gamot, shabu pa ang kanyang sinubukan. At nang malalaglag na ang kanyang koponan, gumawa uli siya ng gulo nang hatawin niya sa mukha si Jimmy Alapag. May iba pang insidente. Muli, nagmamakaawa siyang pagbigyan. Hanggang kailan?
Pampito nating bida si Alex Compton. Hindi dahil sa ano pa man, pero nakikiusap ang dating player ng Cornell na payagan siyang makalaro sa PBA. Wala tayong masasabi kay Compton. Modelo siyang mamamayan. Mahusay na manlalaro. Ipinanganak dito, pero Amerikano. Abangan.
Jimmy Alapag. Matapos ang isang taong pagdurusa, nagningning na ang kanyang tala. Noong 2002, nabitin ang dokumento, kaya di agad naisama sa RP team. Nang makasali, nabali ang kamay. Ngayon, walang sagabal sa kanyang pagkinang. Rookie of the Year at Mythical 5 ang masagana niyang ani ng titulo.
Mapayapa, maligaya, at mayamang Pasko!