Basketball team champion

HO CHI MINH -- Pagkakaisa at pagtutulungan.

Iyan ang naging susi sa tagumpay ng Philippine basketball team sa kanilang kampanyang mapanatili ang titulo sa Southeast Asian Games sa loob ng pitong taon.

"Iyan lang ang gusto kong iparating sa ating mga kababayan," naluluhang pahayag ni National coach Aric del Rosario pagkatapos ng 90-61 na tagumpay laban sa Malaysia para ma-sweep ang basketball games na ginanap sa Military Zone 7 gym dito.

Walang inaksayang pagkakataon ang Nationals na suportado ng Cebuana Lhuillier, nang agad bumandera ito sa unang quarter nang laro at agad lumayo sa 14-6 patungo sa 26-8 na pagtatapos ng first quarter.

Mula sa 45-26 iskor na pagtatapos ng halftime, hindi nagpapigil sa pananalasa ang Nationals nang magtulong sina Ranidel de Ocampo, Gary David, Mark Pingris para itala ang pinakamalaking bentaheng 30 puntos, 66-36 sa pagtatapos ng ikatlong quarter.

Sa huling canto, hindi sumuko ang Malaysian nang magtulungan sina John Ng Yeo Seng, Ong Hung Thiam para muling makalapit ng hanggang 22 puntos, 74-52 kung saan dito muling ipinasok ang nagpahinga na si James Yap.

"Iyan nga ang sinasabi kong pagkakaisa at pagtutulungan. Tingnan nyo naman kahit may mga injury ang ilan sa kanila hindi pa rin pumayag na hindi sila aktuwal na makasama sa pinaka-importanteng labanan," dagdag pa ni del Rosario.

"We achieved our goal here," masayang wika naman ni team manager Jean Henri Lhuillier. And with a long term program, we hope we can continue to win," aniya pa nagsabing handa silang tulungan ang Philippine team hanggang Asian Games.

Sa kababaihan, bigo ang Pinay cagebelles na makuha ang silver medal makaraang yumuko sa mas bata at matatangkad na Singaporean, 44-40. (Ulat ni Dina Marie Villena)

Show comments