Sa ngayon, may kabuuang 41 gold medals ng nakokolekta ang Pinas na sapat na para malagpasan ang 31 golds natin sa Kuala Lumpur.
Ngunit higit na nagnakaw ng eksena ay ang tagumpay ng Pinoy fencers na umiskrima ng gintong medalya sa mens team epee ng naturang competition kung saan nasikwat ng sikat na matinee idol na si Richard Gomez ang kanyang kauna-unahang gintong medalya sa biennial meet na ito.
Sa loob ng walong taon niyang pagmamahala sa fencing, naisukbit ni Gomez ang kanyang kauna-unahang ginto na tila hudyat na rin ng kanyang pagreretiro matapos pangunahan ang epee team na binubuo din nina Avelino Victorino Jr., Wilfredo Vizcayno at reserve Almario Vizcayno matapos gapiin ang Thailand, 45-32.
Unang inalay ni marathoner Allan Ballester ang gold para sa bansa, na ikawalo naman para sa athletics, ng takbuhin nito ang 42.195 kilometer sa bilis na 2:21.03 seconds habang kadikit lamang niya ang Vietnamese runner na si Nguyen Chi Dong na siyang puma-ngalawa sa bilis na 2:21.51 seconds.
Napantayan ng GTKs Army ang prediksiyon ng kanilang pangulo na 8 hanggang 10 gintong medalya.
Ito ang sinundan ng gold ni Eusebio Quinones sa 35 km cross country ng mountaine bike event kung saan inipit ng mga Pinoy riders ang Thai-lander na si Tawatchai Masae.
Ito ang unang gintong medalya ng Philippine cycling team dito sa Vietnam, at unang ginto naman para sa mountain bike event.
Nadagdagan pa ang ginto ng wrestling nang dalawa pang medalya ang iambag ng Pinoy wrestlers sa araw na ito.
Binuno ni Marcus Valda ang kanyang ikalawang gintong medalya nang gapiin nito si Le Thanh Tieng ng Vietnam sa kanilang freestyle event sa under 96kg. ng wreslting competition matapos mag-gold sa Greco Roman event under 96kg.
Kasunod lang nito ang gintong medalya ni Ma. Cristina Villanueva sa freestyle under 51kgs. division kung saan tinalo niya ang Thai wrestler na si Onanong Chari.
Ang ikaanim na gintong medalya para sa araw na ito ay mula naman sa batang jin na si Mary Antonette Rivero na nag-debut sa SEA Games sa pamamagitan ng tagumpay nito sa featherweight division makaraang daigin ang Singaporean bet na si Chen Peioi, 2-1.
Halos nakakasiguro na ang bansa sa basketball at sa chess na ngayon ang huli at pinal na aksiyon. (Ulat ni Dina Marie Villena)