ANO BA ANG TAMA?

HUMIHINGI ng kapatawaran si Jimwell Torion at handa namang magpatawad si Jimmy Alapag.

Magandang sidelight iyan sa patuloy na drama sa Philippine Basketball Association.

Iyon naman talaga ang dapat na gawin ni Torion. Humingi ng tawad. Kasi nga, hindi talaga maganda ang kanyang ginawa kay Alapag sa huling 48 segundo ng laro sa pagitan ng Red Bull Barako at Talk N Text sa quarterfinal round ng Samsung-PBA Reinforced Conference.

Sa puntong iyon ay panalo na ang Talk N Text at puwede nang ubusin ang oras dahil kahit na ano pa ang gawin ng Barakos ay hindi na sila makakahabol.

Pero naghabol pa ng isang napakasamang foul si Torion nang hatawin niya sa mukha si Alapag. Sargo ang ilong ni Alapag at dumugo ito. Bunga nito’y hindi natapos ni Alapag ang laro at siya’y dinala sa ospital kung saan nang sumunod na araw ay inoperahan siya.

Ngayon ay humihingi ng tawad si Torion.

Bukod doon, hinihiling din ni Torion na bawasan ang haba ng kanyang suspension. Kasi nga, bukod sa P70,000 fine ay nasuspindi si Torion ng isang buong conference. At dahil sa ang susunod na season ng PBA ay magsisimula sa Oktubre batay sa suhestiyon ni Commissioner Noli Eala na inaprubahan ng Board of Governors, bale hindi makapaglalaro si Torion sa transition conference mula Pebrero hanggang Oktubre.

Matagal-tagal na suspension iyon.

Pero naaayon sa hatol, ‘di ba?

Isang conference ang suspension ni Torion. Malas lang niya at napahaba ang isang conference na iyon. Kung regular pa rin ang season ng PBA at hindi nagpalit ng kalendaryo ang liga. Siguro sa Hunyo o Hulyo 2004 ay makapaglalaro na si Torion matapos ang first conference. Pero mahaba pa rin iyon.

Well, puwedeng pagdebatihan ito. Kasi nga naman dadaan sa transition period ang PBA. Siguro mas maganda kung may definite timetable ang suspension ni Torion. Halimbawa’y tatlong buwan o apat na buwan imbes na isang buong conference na hindi natin alam kung hanggang kailan tatagal!

Siguro, iyon ang nararapat kung sakaling pagbibigyan ni Commissioner Eala ang apila ni Torion. Pero kahit na ano ang mangyari, kahit na gaano pa kahaba ang suspension ni Torion, nararapat lang iyon sa kanya.

Hindi puwedeng sabihin ni Torion na marami siyang bayarin at kawawa naman ang kanyang pamilya dahil sa nangyaring suspension.

Kasi, kung ganoon ang normal na takbo ng utak niya, aba’y dapat inisip din niya kung ano ang puwedeng nangyari kay Alapag. Malay ba niya kung career-threatening ang hard foul na ibinigay niya sa mukha ng Talk N Text point guard.

Halimbawang sa lakas ng hampas niya ay bumaligtad si Alapag at tumama ang ulo nito sa hardcourt at nawalan ng ulirat o naging comatose? Naisip ba ni Torion na puwedeng tinapos niya ang career ni Alapag na isa lamang rookie sa liga?

Pero ngayong tapos na ang lahat, hihingi siya ng tawad, aapila sa commissioner at sasabihing kailangan ng kanyang pamilya ang pang-unawa!

Show comments