Noong nakaraang Martes, ang management group na kinatawan ng R. A. Oben Holdings, Inc., na pinamumunuan ni sportsman Reginaldo Rey Oben, ay binili ang prangkisa ng Nutri-Licious.
Ang team ay kikilalaning Toyota-Otis Knights na bubuuin ng kasalukuyang NCAA champion Colegio de San Juan de Letran at hahawakan ni coach Louie Alas.
At ito na rin ang nagbukas sa pintuan ng PBL sa mga NCAA school. Lima sa pitong teams na kasali sa Platinum Cup ay ka-tieup ng eskuwelahan mula sa UAAP.
Ito rin ang unang pagkakataon na ang PBL franchise ay nalipat sa ibang kamay sa papamagitan ng pagbenta at nagbigay hudyat ng malaking hatak ng amateur league sa mga commercial enterprises.
"This is a tremendous development for the league," ani commissioner Chino Trinidad, na sumaksi sa makasaysayang pirmahan. "We are happy with the return of a truly legendary brand name in local basket-ball to our fold, and it shows just how far the PBL has come," dagdag pa niya.
Sa kanyang parte naman, malugod na tinanggap ni PBL chairman Dioceldo Sy ang pinakabagong miyembro ng liga. "I feel the entry of the Oben group in general and Toyota Otis in particular is another very positive development for the PBL."
Samantala, pinabulaanan naman ng Welcoat ang mga naglutangang balita na nais nilang sumali sa PBA.
Nilinaw ni Raymund Yu, team manager ng Welcoat na wala silang intensiyong sumali sa PBA at walang planong bumili ng prangkisa sa professional league ng bansa.