Matapos masibak ang Barakos sa PBA Samsung Reinforced Conference, nagdesisyon magpasa ng resignation sina Guiao at Tony Chua, ngunit ayon kay George Chua, hindi pa nakakarating sa kanya ang resignation letter ng dalawa.
Inaasahang magre-resign din sina assistant team manager Rudolf Hines, team consultant Andy Jao, assistant coaches Roehl Nadurata, Joshua Villapando, Alfredo Amador at trainers Kirk Collier at Reynaldo Emnas.
Sinabi pa ni George Chua na hihintayin muna nitong makarating sa kanyang tanggapan ang pormal na resignation bago niya ito desisyunan.
Posibleng tuluy-tuloy na ang pagre-resign ni Guiao dahil sa balitang tatakbo ito sa darating na eleksiyon sa susunod na taon bilang gobernador sa kanyang bayang Pampanga.
Ayon kina Chua at Guiao, nabigo silang bigyan ng karangalan ang kumpanya bagamat napaka-kompetitibo ng kanilang koponan na nanguna pa sa eliminations ng kumperensiya bago masibak ng Talk N Text sa quarterfinals.
Samantala, matapos madiskaril ang Red Bull sa kanilang kampanya sa Samsung-PBA Reinforced Conference, ibinuhos ni Willie Miller ang kanyang lakas sa one-on-one competition laban kay Joey Mente ng San Miguel sa pamamagitan ng 29-5 panalo para tanghaling King of the Court ng 6-foot-4 and under division.
Humataw ng husto si Miller sa kanilang laban nang humakot ito ng 29 puntos bago niya hayaang maka-iskor si Mente, upang ibulsa ang P150,000 na premyo.
"Para sa lahat ng Red Bull fans ito. Nakakahiya naman kasi kung matalo pa ako dito e nalaglag na nga kami sa quarterfinals," ani Miller.
Samantala, kasalukuyang naglalaban pa ang Sta. Lucia Realty at Alaska habang sinusulat ang balitang ito para sa nalalabing slot sa semifinals.(Ulat ni CVOchoa)