Huling umabot ng sampung rounds si Pacquiao noong ito ay lumaban sa Antipolo City kay Nedal Hussein ng Australia tatlong taon na ang nakalilipas. At bago naman ito umabot ng sampu kay Hussein, si Melvin Magramo ang huli niyang nakalaban na nagtagumpay na dalhin siya sa sampung rounds.
Bukod sa dalawang laban na ito kay Hussein at Magramo, dalawang beses lamang umabot ng sampung round si Pacquiao, at ito ay nangyari noong ito ay nagsisimula pa lamang sumabak sa 10-rounders.
"Talagang ang tibay ni Pacquiao at ang tindi ng resistensya," wika ng isa niyang ka-grupo habang nagsasaya ang mga ito sa Radisson Hotel. "Sa tingin ko nga ay kaya pa niyang umabot ng 15 rounds eh."
"Ang pakiramdam ko ay kahit sampung rounds pa ay kaya ko pa," wika ni Pacquiao. "Parang third round pa lang nang itigil ng referee ang laban. Grabe kasi ang ensayo ko at preparasyon sa laban na ito kayat parang balewala sa akin."
Inaasahan na sa Marso 2004 pa lalaban si Pacquiao at sigurado na sa Amerika na naman ulit mangyayari ang laban. Hindi pa alam sa ngayon kung sino ang magtatangkang labanan ang bagong bayani ng boxing.
Unang lumaban sa Amerika si Pacquiao noong Hunyo 2001 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada, kung saan niya pinagbubugbog si South African Lehlo Ledwaba para kunin ang IBF superbantamweight title.
Makaraan ang ilang buwan ay isinalang na-man si Pacquiao kay Agapito Sanchez ng Dominican Republic sa San Francisco at nauwi ang laban sa isang draw.
Nagpasiklab muli si Pacquiao sa Memphis, Tennessee, sa buwan ng Hunyo 2002 sa undercard ng Lennox Lewis-Mike Tyson fight, kung saan niya ginulpi si Colombian Jorge Eliecer Julio sa loob ng dalawang rounds.
Matapos itong hindi pagpawisan ng talunin si Thai Fabbrakob Rakkiat-gym sa loob ng isang round sa Davao noong Oktubre 2002, bumalik si Pacquiao sa Amerika nito lamang Hulyo upang itaya ang korona kay Emmanuel Lucero ng Mexico. Hindi rin nagtagal si Lucero matapos itong pasu-kuin sa tatlong rounds sa Los Angeles.