SMBeer na sa semis

Tuluyan ng kinubra ng San Miguel Beer ang unang semifinals berth nang kanilang pasadsarin ang FedEx, 100-90 sa Game-Two ng kanilang quarterfinal series sa Samsung-PBA Reinforced Conference sa Araneta Coliseum, kagabi.

Na-sweep ng Beermen ang best-of-three series sa 2-0 kahit na hinayaan nilang mapudpod ang 23 puntos na kalamangan, 78-55 bago matapos ang ikatlong quarter.

Sa pangunguna ni import Terrence Shannon, umiskor ito ng 11 puntos sa kanyang tinapos na 36 puntos sa ikaapat na quarter katulong si Ren Ren Ritualo upang makalapit ng hanggang 8 puntos matapos ang 23-8 run, 89-81.

Ngunit hanggang dito na lamang ang kanilang naging oposisyon na siyang dahilan ng kani-lang tuluyang pamamaalam sa kumperensiya para masundan sa maagang pagbabakasyon ang Shell at Purefoods.

Hihintayin na lamang ng San Miguel ang kanilang makakalaban para sa best-of-five semis ng Group A sa pagitan ng Sta. Lucia at Alaska na kasalukuyang naglalaban pa habang sinusulat ang balitang ito. (CVOchoa)

Show comments