Ngayong araw ay titimbang sina Pacquiao at Barrera sa Sunset Station.
Si Pacquiao ay inaasahan na titimbang maari ng mas magaan pa sa 126 lbs. dahil sa noong umaga ay tumimbang pa ito ng 123 1/2 lbs.
Ito ang unang pagkakataon na lalaban si Pacquiao sa isang tunay na featherweight kung kayat hindi nito inaasahan na magiging hadlang ang pagkuha ng timbang sa labanang ito.
"Sa tingin ko naman ay sa featherweight talaga ang fighting weight ko," wika ni Pacquiao. "Kaya siguro ay kayang-kaya ko na tumimbang ng 126 lbs. Hindi naman ako nag-rereduce at nakakakain naman ako kaya sigurado ako na papasa ako sa timbang."
Bago magtungo si Pacquiao sa official weigh-in ay makakapanayam muna nito sina Jim Lampley at Larry Merchant, boxing commentators ng HBO Boxing ng bandang 12 ng tanghali sa Aztec B room ng Radisson Hotel sa downtown San Antonio.
"Walang problema si Pacquiao sa timbang," wika ni Buboy Fernan-dez, isa sa mga tutulong sa corner ng kababata sa Sabado ng gabi. "Kanina nga ay under si Manny kaya sa timbangan ay mga 125 o kaya ay 126 eksakto ang kanyang timbang dahil sa kakain pa siya."
Bagamat hindi gaa-nong maugong ang labanang Pacquiao at Barrera, umaasa pa rin ang marami na dudumugin ang paboksing na ito ni Oscar dela Hoya dahil sa sina Pacquiao at Barrera ang kinikilalang kampeon sa kanilang mga divisions.
Tatanggap ng $350,-000 si Pacquiao sa labang ito at sakaling manalo siya ay sigurado naman na magiging doble ang kanyang premyo sa isang rematch kontra kay Barrera.
Huling nilabanan ni Pacquiao si Emmanuel Lucero ng Mexico noong Hulyo 26 sa Grand Olympic Auditorium sa Los Angeles. Tinalo ni Pacquiao si Lucero sa pamamagitan ng knockout sa loob ng tatlong rounds.