PANGMATAGALAN

Magdadagsaan ang mga manlalaro ng Philippine Basketball League sa PBA draft sa susunod na taon.

Huwag kayong magugulat kung dose-dosena ang lumitaw na aplikante.

Ito ay dahil, sa 2004, sa Oktubre na magbubukas ang PBA. Ang mga hindi pumasok sa liga sa 2004 ay maghihintay ng halos dalawang taon.

Bagamat iilan pa lamang ang nagpahiwatig ng intensyon, marami ang may kakayahan.

Sa PSA forum noong Martes, binanggit ni PBL commissioner Chino Trinidad sila PBL MVP Gary David, UAAP MVP James Yap, Marc Pingris, Ervin Sotto at iba pa.

Napag-usapan din doon ang kawalan ng pang mataga-lang programa para makaangat ang Pilipinas sa international competition. Mula 1972, di na tayo nakatapak sa Olympics.

Ayon kay Trinidad at PBA commissioner Noli Eala, handa silang tumulong sa pagbuo ng Philippine team. Ngunit mabilis nilang idinagdag na ito’y pansamantala lamang.

Kung may balak tayong makapasok sa 2008 Olympics, dapat ngayon pa lang ay paghandaan na.

Kailangan muna nating ipagdasal na pumang-anim ang Tsina sa World Men’s championship, para madagdagan ng isa pang puwang para sa Asya.

Sa 2008 Beijing Olympics, awtomatikong pasok na ang Tsina bilang punong-abala.

May matitira pang isang puwesto. Pero kung pang-anim ang China sa mundo, magiging tatlo ang kinatawan ng Asya.

Naniniwala ang dalawang commissioner na ang mga maglalaro sa RP team ay di na dapat maglaro sa iba pang koponan.

At, gaya ng dati, sasali lang sila sa PBA bilang saling-pusa.

Ang tanong: nakikinig ba ang BAP?

Show comments